Isa ang Grock sa mga pinaka-nakinabang sa Mobile Legends: Bang Bang patch 1.6.66 kung kaya’t marami na uli ang nakatingin sa tank sa Land of Dawn. Kahit pa gumulong na ang patch 1.7.08 ay hindi nito binago ang angking presensya ng hero sa laning man o sa team fights.
Ang ginawang pagbabago sa kaniyang passive na Earthen Force ang nagpausbong muli ng interes sa paggamit sa kaniya lalo na kung bubuuan ng offensive items. Bukod dito, ang kaniyang ultimate na Wild Charge ay may kasama na ding stun kung kaya’t mas naging flexible ang role na kayang punan ng karakter.
Gayunpaman, mainam na malaman ang pinakamagandang emblem sets para kay Grock para mas mapaigting pa ang lakas na taglay ng Fortress Titan.
3 best emblem sets para kay Grock para mapugo ang kalaban
Pull Yourself Together
Isa sa pinakamagandang emblem sets para kay Grock ang Pull Yourself Together, lalo na kung lalaruin sa roamer position ang hero. Malaki kasi ang nagagawa ng karagdagang movement speed at hybrid healing. Kung susuriin din ang kaniyang passive, swabe ang epekto ng mga ito dito kung kaya’t mas maasahan ang hero sa teamfights.
Sa mas mababang death timer at battle spell cooldown, mas malaki ang magiging presensiya ng tank sa objective-takes lalo na kung madikit ang labanan dito.
Weapon Master
Ang pagbabago sa Earthen Force ang nagtulak kung bakit isa sa opsyon na emblem sets para kay Grock ang Weapon Master. Dahil maaari ng buuan ang Fortress Titan ng offensive items, mas mataas ang tiyansang makakuha ng kills kung sasamahan ng nasabing emblem dahil sa dagdag na items lalo na sa late game.
Maganda ito kung lalaruin ang karakter sa gold lane, dahil kaya ng isang Power of Nature na pumunit sa malalambot na marksman heroes na mahuhuli nito.
High and Dry
Para naman sa mga nag-aasam na laruin ang hero sa EXP lane, High and Dry ang isa sa mga emblem sets para kay Grock na dapat subukan. Malakas na din ang damage output ng Fortress Titan, ngunit kung paparisan ng emblem set na ito ay siguradong lapnos ang sinumang tatamaan ng kaniyang combo.
Malaking bagay kasi ang dagdag na 6 percent damage at mas kapansin-pansin ito kapag dumako na siya sa level four. Ang effect na ito, katuwang pa ng kaniyang revamped skills, ang rason kung bakit kaya niyang prumonta sa mahigpit na labanan sa EXP.
Subukan ang emblem sets na ito para kay Grock at ipa-alam sa amin ang inyong karanasan sa pamamagitan ng pag-komento sa posts ng ONE Esports Philippines sa Facebook!