Nagawang pigilan ni Benedict “Bennyqt” Gonzales at ng kaniyang ECHO ang M-series curse para buksan ang kanilang kampanya sa MPL Philippines Season 11 at maging unang world champion na matagumapay sa unang dalawang seryeng kinatampukan sa MPL season.
Bennyqt, ECHO dominante sa unang linggo ng MPL PH
Winalis ng Purple Orcas ang lahat ng mga nakatunggali nila sa opening week kung saan ipinagpatuloy nila ang dominasyon kontra sa defending MPL PH champions Blacklist International noong Biyernes bago makuha ang paghihiganti laban sa Bren Esports na nagpadapa sa kanila sa SIBOL qualifiers.
Muling napatunayan ng main five ng ECHO kung bakit sila ang hinirang na M4 World Champions, ngunit ang tikas ni Bennyqt sa gold lane ang tumulak sa koponan sa malinis na performance sa Week 1.
Pumukol ang dating Execration star ng averages na 6.50 kills, 5.75 assists konra 2.0 deaths para buuin ang 6.13 KDA kontra sa Blacklist at Bren.Bukod dito, ipinamalas din ng gold laner ang malawak niyang hero pool pagkaraang gumamit ng apat na iba’t-ibang heroes sa apat na larong kinalahukan. Nagtala si Bennyqt ng sumatotal na 26 kills, 23 assists kontra 8 deaths hawak ang Beatrix, Brody, Lunox at Harith.
Dahil dito, si Bennyqt ang unang player na hihirangin bilang Razer Gold- MPL PH Press Corps Player of the Week. Makakatanggap ang 21-anyos ng isang Razer Barracuda mula Razer Gold, ang nangungunang virtual credit para sa gamers sa buong mundo.
“Masaya po ako sa performance namin this week. Isa na ring rason kasi yung natalo namin, Blacklist international na defending champion and also Bren Esports na contender din ngayong season,” kuwento ni Bennyqt.
Dagdag pa niya, “Mahalaga talaga ‘to para sa akin at sa team namin na mag-start kami ng sweep sa first week kasi alam natin na importante talaga yung momentum. Once na maganda simula namin, mag-tutuloy tuloy talaga.”
Naangatan ng gold laner ang kapwa ECHO star na si Tristan “Yawi” Cabrera at RSG Slate PH gold laner na si Eman “EMANN” Sangco para maiuwi ang weekly award na ginagawad ng print at online media na nag-uulat ukol sa MPL PH, at ng broadcasters at operations team ng liga.
BASAHIN: Pitik ng ONE Esports: Nagningning ang mga bituin sa unang araw ng MPL PH Season 11!