Kinabibiliban at kinatatakutan sa buong mundo ang walang-patid at bumubulusok na istilo ni Benedict “Bennyqt” Gonzales at ang kaniyang ECHO, ang parehong atake na nagtulak sa kanila sa M4 World Championship.

Ngunit sa dikdikan kontra ONIC Philippines sa Week 2 ng MPL Philippines Season 11, ipinakita ng Purple Orcas na kaya din nilang tumindig sa larangan ng depensa.


Bennyqt ikinuwento ang mindset ng ECHO sa G3 kontra ONIC

Credit: MPL Philippines

Naitulak sa alanganin ang ECHO sa deciding game three kontra sa Hedgehog team sa likod ng dumadausdos na Yu Zhong ni Nowee “Ryota.” Macasa at mapanganib na Natalia ni Jefferdson “Kekedoot” Mogol. Gayunpaman, nagawa ng pangkat ni Bennyqt na mapagtagumpayan ang gitgitan sa dulo.

Sa post-game interview kasama si Mara Aquino, inilahad ni Bennyqt ang naging mindset ng team para mairaos ang pukpukang game three.

“Naging mindset din po namen na yung Natalia, mahihirapan pumasok sa amen kasi may vision ng tower. So parang 5 versus 4 po pag susugurin nila kame,” paglalahad ng 21-anyos.

Patunay daw ito na bagamat nakilala ang ECHO sa kanilang pambihirang opensa, kaya din nilang makipagsabayan sa laro sa loob ng base. Dagdag ng pro, “Siguro po sanay din kami dumepensa, hindi lang puro opensa.”

Credit: MPL Philippines

Bagamat nakuha ang kalamangan sa unang bahagi ng laro, natagpuan ng Orcas ang kanilang mga sarili sa defensive mode matapos makalawit ni Stephen “Sensui” Castillo ang Lord ng dalawang pagkakataon.

Ito ay sa tulong ng dive composition ng Hedgehog team sa pangunguna nina Ryota at Kekedoot na pinutakte ang backlines para bugawin o kitilin sina Bennyqt (Karrie) at kapwa damage dealer na si Alston “Sanji” Pabico (Pharsa).

Ganito man ang naganap sa late game ay tumulak pabalik ang ECHO sa likod ng krusyal na retribution play ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno (Fredrinn) sa Evolved Lord sa ika-22 minuto. Ito na ang naging simula ng wakas para sa ONIC na sinagasaan ng M4 World Champions sa sumunod na minuto.

Sa tagumpay, mananatiling malinis ang win-loss kartada ng koponan para manguna sa regular season standings.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli tungkol sa MPL PH.

BASAHIN: Ito ang rason kung bakit isinalang ni Nathzz ang EXP Edith kontra TNC