Kilala si Benedict “BennyQT” Gonzales ng ECHO bilang isa sa pinakamahusay na gold laner sa buong mundo.
Matapos ang kanilang kampanya patungo sa kampeonato ng M4 World Championship ay tinanghal siyang Finals MVP, isang karangalan at pagkilala sa husay na ipinamalas ng tinaguriang Bagyo ng MLBB pro scene.
Dahil sa kanyang galing sa paggamit ng mga marksman heroes, maraming players ang tumututok sa kanyang bawat laro upang tularan ang kanyang diskarte at matuto ng kanyang playstyle at item build.
Subalit ang pagiging isang mahusay na marksman ay hindi lang basta natatapos sa emblem at listahan ng items. Bilang pangunahing damage dealer ng squad, mahalaga rin para sa marksman ang tamang tyempo at posisyon pagdating sa team fights.
Marksman tip sa team fights mula kay BennyQT
Matapos ang kanilang tagumpay laban sa ONIC PH sa ikalawang linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11), nakausap ng ONE Esports si Bagyong Benny tungkol sa kanyang playstyle bilang isang marksman.
Sa isang eksklusibong panayam, nagbigay si BennyQT ng tip tungkol sa tyempo at posisyon ng marksman sa tuwing magkakaroon ng team fight.
Sa pag-amba ng paparating na team fight, importante na hindi malaman ng kalabang team kung nasaan ang marksman ng inyong squad. Kelangang alam ng marksman kung kelan at paano siya lulusob.
Ayon sa M4 Final MVP, mahalaga para sa role na ito ang matinding pasensya.
“Be patient lang,” sabi ni Benny. “Hangga’t cooldown pa yung panghuli [ultimate] ng initiator ng kalaban ‘wag ka munang mag-go.”
Importante para sa main damage dealer na manatiling nakatago hangga’t hindi pa nabibitawan ng initiator ng kalabang team ang ulti nito. Dahil kung hindi ay malalagay sa alanganin ang marksman pati na rin ang buong squad.
“Kasi one hundred percent, ikaw tatargetin nun,” paliwanag ni Benny. “Basta be patient.”
Self control at pasensya, ito ang payo ni Benny upang maging mas madali ang pagposisyon ng marksman sa team fights.
Mapapanood ang mga laban ng ECHO sa official Facebook page at YouTube channel ng MPL Philippines.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.