Kagila-gilalas na laro ang ipinamalas ni star gold laner Benedict “Bennyqt” Gonzales para tulungan ang ECHO na walisin ang Blacklist International at iselyo ang titulo sa nagdaang M4 World Championship na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
Ipinako niya ang Game 2 sa pamamagitan ng makapigil-hiningang backdoor play gamit ang Brody at nagpakitang-gilas din sa kanyang Lunox sa ibang mga laban. Kaya naman ‘di kataka-taka na siya ang itinanghal na Finals Most Valuable Player ng torneo at napag-uwi ng karagdagang US$10,000 o mahigit P500,000 na premyo.
Sa eksklusibong panayam ng ONE Esports, inilahad ni Bennyqt kung gaano kaimportante para sa kanya na masunggaban ang M4 world title kasama pa ang Finals MVP award.
Inilahad ni Bennyqt ang kanyang saloobin matapos makuha ang world title at Finals MVP sa M4
Naibahagi ni Bennyqt sa naunang interbyu ng ONE Esports na wala halos kumukuha sa kanyang koponan noong nagsisimula pa lang siyang makipagsapalaran sa Mobile Legends: Bang Bang professional scene. Kuwento pa niya, naiiyak siya dahil sa tindi ng kagustuhan niya na maging pro player.
Kaya ganoon na lamang ang tuwa niya na masungkit ang kampeonato at Finals MVP sa M4, mga patunay na kaya niyang makipagsabayan sa larangan ng MLBB esports.
“Sobrang saya lang sa part na napatunayan ko sa sarili ko na kaya ko talaga. Hindi ‘to tungkol sa napatunayan ko sa ibang tao kundi napatunayan ko sa sarili ko,” saad ng 21-year-old pro.
“Kasi sa tuwing kinakausap ko ‘yung sarili ko, nag-iisip ako, ano ba talagang maibubuga ko? Kaya ngayong naipakita ko, sobrang saya ko, sobrang proud ako sa sarili ko.”
Bagamat ‘di niya inasahan na hiranging Finals MVP, inilahad ni Bennyqt na isa rin ito sa naging misyon niya sa torneo.
“Noong nag-start ‘yung knockout stage, ‘yun na ‘yung mina-manifest ko na makuha ko. But then, nitong natapos na ‘yung finals, wala na ‘kong pake basta mag-champion kami. Sobrang bait talaga sa’kin ni Lord binigay niya pa rin sa’kin.
Ngayong world champion na siya at MVP pa, mapagkumbaba pa ring itinanggi ng Caviteño na siya ang pinakamalakas na gold laner ngayon sa buong mundo.
“Sila na po bahala mag-decide. Sa’kin po okay lang kahit hindi ako.”
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa MLBB news, guides, at updates.