Itinanghal bilang Finals Most Valuable Player si Benedict “Bennyqt” Gonzales pagkaraang yakagin ang kaniyang ECHO sa demolisyon kontra Blacklist International sa inantabayanang All-Filipino Grand Finals sa M4 World Championship.

Dinala ng “Bagyong Benny” ang unos sa gold lane para angatan ang M3 Finals MVP na si Kiel “OHEB” Soriano, bago manalasa sa team fights upang biyakin ang pamosong UBE strategy ng defending champions sa apat na laro.

Pumihit ang 21-anyos pro ng pambihirang totals na binuo ng 19 kills kasabay pa ng 16 total assists kontra sa 5 deaths papunta sa kaniyang unang indibidwal na parangal sa international stage.


ECHO bumangko kay Bennyqt para buwagin ang Blacklist, 4-0

Credit: Moonton

Mainit ang pagbubukas ni Bennyqt para tulungan ang kaniyang ECHO na makuha ang tagumpay sa 14 minuto sa unang mapa. Game-best na 7 kills ang itinala ng gold laner hawak ang kaniyang Lunox na matalinong pumosisyon bago pakawalan ang sandamukal na magic damage upang ibaon ang kanilang mga karibal sa 13-4 kill score.

Sinundan ito ni beterano ng masasabi na pinakamagilas niyang performance sa serye. Karugtong ito ng pasabog niyang play sa ika-14 minuto sa game two kung saan, sa gitna ng Lord dance ng dalawang koponan ay mag-isang nagmartsa ang kaniyang Brody sa midlane para basagin ang base ng kalaban para nakawin ang 2-0 abante.

Bukod sa game-winning play, pumukol din ang ECHO pro ng 8/1/1 KDA para hiranging MVP ng laro.

Ipinagpatuloy ni Bennyqt ang pananalasa niya sa ikatlong mapa hawak muli ang Brody na sinandalan ng mga Orca para buwagin ang base ng MPL PH Season 10 champions sa ika-14 minuto. Malaking bahagi ang kaniyang 4/1/8 KDA para ipako ang kill score sa 23-10.

Tinapos niya ang serye ng may 7 assists at 2 deaths.

Sa panayam patapos gawaran ng indibidwal na gantimpala, inami ng pro hindi siya makapaniwala na siya ang makatatanggap ng prestihiyosong award. “Nararamdaman ko po sobrang saya. Hindi ko mapaliwanag eh. Gusto ko pong umiyak na ayaw lumabas.”

Credit: Moonton

“Ewan ko, sobrang overwhelming lang po sa utak ko, sa puso ko. hindi ko na alam sasabihin,” paglalahad niya.

I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa pinakahuling balita tungkol sa mga paborito niyong Esports.

BASAHIN: M5 World Championship sa Pilipinas gaganapin!