Kinailangan lamang ng apat na laro nina Benedict “Bennyqt” Gonzales at ng kaniyang ECHO upang sipain pababa ng Lower Bracket ang home team ONIC Esports sa inantabayanang Upper Bracket showdown sa M4 World Championship.
Bennyqt nanalasa, ECHO sisipain ang ONIC Esports sa LB
Sa dagat ng itim at dilaw ay hiyawan at palakpakan ng fans ng Purple Orcas ang umalingawngaw pagkaraang yakagin ni Bennyqt ang kaniyang pangkat papunta sa tagumpay sa match point, hawak ang pamatay niyang Beatrix na bago magpakawala ng sandamukal na physical damage ay pasensyosong pumuwesto para maiwasan ang malikot na jungler Joy ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol.
Nagtala ang ECHO gold laner ng 11/2/8 KDA katuwang ng 145,334 total damage dealt at pambihirang 875 gold per minute para tulungan ang kaniyang hanay na makumpleto ang laro sa 22 minuto at maisarado ang serye.
Hindi pa man tumutungtong sa krusyal na game four, nagbadya na ang delubyo para sa hanay ng ONIC Esports. Ito ay matapos ibalik ni Bennyqt sa Land of Dawn ang pamatay niyang Melissa na naghalimaw sa unang mapa papunta sa perpektong statline na 9 kills at 4 assists kontra sa zero deaths.
Sinubukang apulain ang mga hari ng MPL Indonesia ang momentum ng mga Orca sa game two nang sumandal sila sa Hayabusa ni Kairi at hindi sila binigo ng kanilang superstar.
Halimaw ang ipinakita ng Pinoy jungler sa krusyal na teamfight sa ika-20 minuto kung saan sumabog sa ingay ang Tennis Indoor Stadium Senayan pagkatapos niyang ipain ang mga miyembro ng ECHO papunta sa kanilang katapusan. Sa proseso, nakuha ni Kairi ang Megakill at wipeout para bigyang-daan ang martsa nila para sa equalizer.
Gayunpaman, hindi na muling nahanap ng ONIC ang tagumpay matapos pagpasyahan ng ECHO nila i-ban out ang kapwa Pinoy. Ang resulta ay dominasyon para sa panig ng MPL Philippines Season 10 runner ups sa sumunod na dalawang laro.
Pinangunahan ni Tristan “Yawi” Cabrera ang atake ng kaniyang hanay gamit ang signature Chou sa game three para puguin ang late game lineup ng kalaban. Nagtala ng kabuuang 14 assists ang kapitan kasama ng 2 kills kontra sa 2 deaths.
Sa tagumpay, makukuha ng ECHO ang tiyansang makaharap muli ang kapwa Pinoy team na Blacklist International sa UB Finals habang si Kairi at ang kaniyang ONIC ay tatahakin ang matarik na Lower Bracket.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook!
BASAHIN: FwydChickn naghalimaw, The Valley pintalsik ang RRQ Akira sa M4