Matapos ang maligamgam na performance sa gumulong na Group Stage na nagtulak sa kanila sa Lower Bracket, mistulang bumalik na ang alindog ng mga miyembro ng The Valley sa M4 World Championship. Ito ay pagkatapos nilang i-stylean ang Burn x Flash na binaon nila sa 2-0 sweep para buksan ang kanilang championship run sa Knockout Stage.
Sentro sa atake ng North American team ang play ni Peter Bryce “Basic” Lozano na pinatunayan ang kaniyang kalibre sa Karrie sa dalawang laro. Pumukol ng pambihirang 16/1/7 total KDA at dalawang Maniacs ang Pinoy para tulungan ang kaniyang team puguin ang mga taga-Cambodia.
Basic, The Valley desimulado kontra Burn x Flash
Maagang ipinakita ng The Valley ang dulas ng kanilang team play sa likod ng tempo lineup para buksan ang una nilang Knockout Stage matchup. Hindi nakaporma ang Burn x Flash sa sabayan sa neutral objective takes dahil sa kunat na dala ng jungle Fredrinn ni Michael “MobaZane” Cosgun, na sinamahan pa ng pokes ng Lylia ni Seonghun “Hoon” Jang para kuhanin ang early game abante.
Gayundin ang epekto ng pambihirang zoning na dinala ni Ian “FwydChickn” Hohl sa Lapu-Lapu para bigyan-daan ang pagselyo sa Lord sa midgame at ang puwang para makapuwesto ang makating marksman ni Basic pagdako naman sa teamfights.
Desimuladong team fight ang isinalang ng The Valley sa ika-15 minuto para kuhanin ang 4-for-none at tapusin ang laban sa mga sumunod na sandali. Nagtala si Basic ng team best na 4 kills at kumuha ng 2 assists kontra 1 death, habang si Hoon ay pumako ng 1/0/10 KDA para hiranging MVP ng laro.
Pinagulong muli ng mga kampeon ng NACT ang mala-UBE strat na komposisyon sa game two. Barats ang napili nilang patabain sa jungle na sinamahan nila ng katuwang ang kasing-kunat na Esmeralda sa EXP at Lolita sa roam para protektahan ang kanilang Pharsa at late game carry na Karrie.
Umayon sa plano ng The Valley ang naganap sa match point dahil kahit pa Claude ang ipinahawak ni Michael “Zico” Dizon kay Jhonwin “Hesa” Vergara ay hindi nito nagawang pigilan ang pagmartsa ng mega-sustain lineup.
At dahil abala ang Burn x Flash sa tangkang lusawin ang frontliners ay magandang puwesto sa mapa ang nakuha ni Basic. Lusaw ang kalaban sa kargang damage ng Karrie ng gold laner, pruweba ang pagkuha niya ng Maniac sa ika-13 minuto sa top side, at muli sa ika-15 minuto habang kinakaldag ang base ng kalabang team.
Hinirang na MVP ang Pinoy matapos magtala ang sandamukal na 12 kills at 5 asssits kontra sa zero deaths.
Sa panalo, aabante ang The Valley sa Lower Bracket para harapin ang makamandag na Todak.
Sundan ang pinakahuli sa M4 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Sinong Pinoy jungler ang nais makatapat ni RRQ Hoshi Alberttt sa M4?