Pinauwi nila Pinoy gold laner Peter Bryce “Basic” Lozano at North American squad na The Valley ang huling kinatawan ng Malaysia na Todak sa M4 World Championship.

Nagpasiklab si Basic sa kanyang Brody at Karrie upang tulungan ang The Valley na walisin ang Todak, 2-0, sa lower bracket round 3 ng torneo na ginaganap sa Tennis Indoor Stadium Senayan sa Jakarta, Indonesia.

Kapansin-pansin na sa kasagsagan ng serye kontra sa Malaysians, palaging nakikita na nakatawa o nakangiti ang Pinoy pro.


Ang dahilan sa likod ng pagngiti ni Basic sa tapatang The Valley-Todak sa M4 lower bracket

Basic ng The Valley
Credit: Moonton

Sa post-match interview matapos ang mabilis na sweep victory ng The Valley, ipinaliwanag ni Basic na may kinalaman ang naranasan niyang pagkatalo sa kamay ng Todak noong M1 bilang bahagi ng Team Gosu.

Bagamat ‘di opisyal na naglaban ang Gosu at Todak sa group stage o playoffs ng M1, posibleng nagkatagpo sila sa scrims.

“When I was in M1 back then, we lost to Todak. So, for me, I wanna beat them badly,” kuwento niya.

Makalipas ang tatlong taon, nagkaroon ng pagkakataon si Basic na bumawi at sinigurado niyang makukuha niya ang matamis na paghihiganti.

Gamit ang Brody sa Game 1, tumikada siya ng 6/1/8 KDA sa 19-7 panalo sa loob ng 15 minuto. Hinirang naman siyang MVP gamit ang Beatrix matapos pumukol ng 10/1/8 KDA (90.5% kill participation) at 85K damage sa 20-4 dominasyon sa Game 2 na tumagal ng 20 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

“I was smiling because they were losing already. I can feel that they’re already tilted I guess a little bit,” wika niya. “They play so different, like especially my lane, gold lane, I feel like it’s so easy going against him. That’s why I was like smiling all throughout.”

“Their suffering made him smile,” sambit ng kakampi niyang EXP laner na si Ian “FwydChickn” Hohl.

At bago tuluyang lisanin ng Todak ang stage, kinawayan muna sila ni Basic, sinisenyas ang pagpapauwi nila sa natitirang Malaysian team sa torneo.

Credit: Moonton

Sunod na kakalabanin ng The Valley ang MPL Brazil champs na RRQ Akira sa lower bracket round 3. Nakatakda ito sa Huwebes, ika-12 ng Enero, sa ganap na ika-3 ng hapon (oras sa Pilipinas).

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa M4.