Lumabas sa unang pagkakataon ang Bane sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) nang i-pick ito ng Bren Esports laban sa defending champion RSG PH sa napakaimportanteng Game 3 ng kanilang serye sa Week 7 Day 2.

Nakataya kasi sa naturang laro ang ginintuang tsansa ng koponan ng “The Hive” na makabalik sa playoffs matapos kapusing makatuntong dito sa dalawang nakalipas na season.

Pero ‘di gaya ng sumikat na jungle Bane noon, sinugal ng Bren ang Frozen King sa kamay ni beteranong captain-midlaner Angelo “Pheww” Arcangel na ginamitan ito ng magic type na item build. Sa-post match press conference, ibinahagi ng M2 world champion player ang dahilan sa pagkuha ng kakaibang Bane pick.


Ito ang dahilan kung bakit gumamit ng Bane si Pheww sa Game 3 kontra RSG PH

Credit: MPL Philippines

“Nung sa third game, si Coach Pau (Paulo “Pauloxpert” Munsayac) ‘yung nag-suggest ng Bane kasi binan na nila ‘yung Kadita tapos ‘di ko feel mag-Lylia dun sa lineup nila. Tapos naisip ni Coach Pau na, ‘Ba’t ‘di natin gamitin ‘yung Bane na prinaktis?’ kwento ni Pheww.

“Tinatanong ko sa kanila kung okay ba ‘yun kasi ako pa rin ‘yung gagamit ng Bane nun eh. Ayun confident naman sila sa paggamit ko ng Bane at sobrang confident ko rin gamitin ‘yun kaya ginamit ko siya,” dagdag niya.

Malaking factor din umano ang buff na nakuha ng flexible na Fighter hero sa kalalabas lang na MLBB patch 1.7.20. Pinaganda ang kanyang early hanggang mid-game damage at sustain sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanyang Ale (Skill 2) na may magic damage. Pinataas ang base damage nito mula 200-400 patungong 250-450 at dinagdagan din ang base HP regen mula 160-285 patungong 200-300.



“Dati di ko naman siya masyadong ginagamit. Tapos nitong week lang, may patch note na na-buff siya so sabi ko gusto ko siya i-try,” paliwanag ng 23-year-old pro, na sinabi ring sinubukan nila ang lahat ng mga na-buff at na-nerf na hero sa unang araw ng ensayo nila.

“Nakita naman namin na okay ‘yung Bane kaya ayun kinuha namin.”

Sa pangunguna ng Bane ni Pheww, nakuha ng Bren Esports ang 2-1 panalo na nagtulak sa kanila pabalik sa playoffs. Hinirang siyang MVP ng laro matapos kumana siya ng 7/3/6 KDA, 86% kill participation at 86K damage.

MVP ang Bane ni Pheww
Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

“Sobrang saya na nakapasok na kami sa playoffs kasi dalawang season back-to-back kaming nalaglag sa regular season tapos ngayon maaga kaming na-secured sa playoffs. Sobrang saya ko rin para sa mga teammates ko lalo na ‘yung mga kasama ko last season na unang pasok pa lang nila laglag agad,” sabi ni Pheww.

“Moving forward, mas pagbubutihin namin kasi ‘di pa ito ‘yung pinaka-peak form ng team namin. Marami pang mali na nangyayari sa laro namin kaya ayun pagbubutihin pa namin lalo sa papasok na playoffs.”


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


BASAHIN: BREN pumuso kontra RSG PH 2-1, makakabalik na sa MPL PH playoffs