Nagawang isara nila Allen “Baloyskie” Baloy at Geek Fam ID ang MPL Indonesian Season 10 sa isang magandang paraan. Pinatumba nila ang Rebellion Zion sa iskor na 2-1 sa huling araw ng regular season.
Wala nang halaga ito sa kasalukuyang season dahil tanggal na sila sa playoff contention matapos makalasap ng 1-2 defeat sa kamay ng top seed na ONIC Esports. Gayunpaman, may nakitang pag-unlad sa laro ng Geek Fam kumpara sa mga nagdaang season.
Ang sunod na hamon para sa koponan ay kung papaano mapapanatili ang mga manlalaro na nasa ilalim nila ngayon. Bukod sa Pinoy imports na sina Baloyskie at Mark “Janaaqt” Lazaro, nakitaan din ng gilas sina Luke, Lzuraa at Caderaa ngayong Season 10.
Mananatili si Baloyskie sa Geek Fam ID para sa susunod na season
Sa isang post-match interview, inilahad ni Baloyskie ang kanyang mga plano para sa susunod na season ng MPL Indonesia.
“Siyempre, maglalaro pa rin ako sa Geek Fam pagkatapos ng season na ‘to. Maghahanda na rin kami agad para sa MPL Invitational,” sabi ni Baloyskie sa ONE Esports.
Bagamat napagpasyahan na ng 23-year-old roamer na manatili sa koponan, inamin niya na hindi niya alam kung ano ang plano ng kanyang teammates. Sinabi rin niya na sana ay mag-stay din ang mga kakampi ngunit hindi niya sila masisisi kung may iba silang plano.
“Siguro sobrang malulungkot ako dahil naging sobrang close kami. Kung aalis sila, siguradong malulungkot ako,” wika ni Baloyskie.
“Pero ito ang isa sa mga pinakamahirap na bagay pagdating sa pagiging isang pro player. ‘Di ko rin sila masisisi,” dagdag pa niya.
Interesanteng antabayanan kung mag-i-stick ba ang kasalukuyang roster ng Geek Fam ID. Kung ano man ang maging desisyon nila, siguradong para sa ikabubuti ito ng kanilang karera at koponan.
Para sa mga balita patungkol sa Mobile Legends at iba pang esports titles, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Base ito sa akda na matatagpuan sa ONE Esports Indonesia.
BASAHIN: Gaganapin ang MPL ID S10 playoffs sa isa sa pinakamalaking venues sa Indonesia