Kumpyansa ang beteranong roamer na si Allen “Baloyskie” Baloy na may tsansa ang Geek Fam ID na makausad sa MPL Indonesia Season 10 playoffs o kung ‘di man ay nakapagpakita sila ng mas magandang resulta kung mas maagang nakapaglaro si jungler Jaymark “Janaaqt” Lazaro.

Bagamat tanggap naman na ni Baloyskie na kinapos silang makapasok sa playoffs, naniniwala siya na pwedeng iba ang naging resulta kung simula pa lang ng season ay nakasabak na sa agad sa liga ang kapwa niya Pinoy import.

Ika-16 na ng Agosto nang ianunsyong parte na ang 20-year-old jungler ng Geek Fam ID. Tapos na ang Week 1 nito kung saan nakalasap sila ng pagkatalo sa kamay ng RRQ Hoshi at Alter Ego.


Ito ang palagay ni Baloyskie kung nakapaglaro agad si Janaaqt para sa Geek Fam

Baloyskie at Janaaqt
Credit: ONE Esports

“Sa tingin ko iba (ang resulta sa pagtatapos ng regular season) dahil pumasok lang siya noong nagsimula na ang unang linggo. Sobrang hirap ng mga panahon na ‘yun dahil ‘yung ibang teams ay nakapagsanay na nang husto samantalang nakasama lang namin siya (Janaaqt) pagkatapos ng Week 1,” paliwanag ni Baloyskie.

Noong unang linggo ng liga, si Muhammad “Hanz” Alim pa ang pumupuno sa jungler role. Sa sumunod na linggo na nakapaglaro si Janaaqt at kasama si Baloyske ay natulungan nila ang Geeks na maputol ang kanilang 17-match losing streak.

“Kaya sa tingin ko ‘yun ang pinakamalaking factor kung bakit sa first half ng regular season ay 1-6 lang ang record namin pero pagdating ng second half ay nakakuha kami ng apat na panalo kontra sa tatlong talo. Muntik pa nga namin talunin ang ONIC Esports,” dagdag pa ni Baloyskie.

Nagtapos muli sa 8th place ang Geek Fam ID ngayong season. Pero ‘di maikakaila na nakapagpakita sila ng mas solidong laro kumpara sa mga nakalipas na season.


Ang performance ni Janaaqt para sa Geek Fam sa MPL ID Season 10

Credit: Geek Fam ID

Mula noong opisyal siya ipinakilala bilang bahagi ng Geek Fam ID, naglaro na para sa koponan si Janaaqt at sumalang sa sumatotal na 31 games. Pumukol siya ng kabuuang 98/57/120 KDA na magandang numero para sa isang baguhang jungler sa MPL Indonesia.

Dagdag pa rito, ang former ECHO pro ay gumamit ng siyam na magkakaibang heroes na sina Akai, Aamon, Balmond, Chou, Fanny, Julian, Karina at Paquito. Kitang-kita rito ang pagiging flexible ng 20-year-old jungler dahil kaya niyang maglaro ng assassin, fighter at kahit tank sa kanyang role.

Julian ang pinakamadalas niyang nagamit sa regular season. Siyam na beses niya naisabak ang Scarlet Raven at nakapagtala siya ng 29/23/34 KDA, na kung titignan ay mababa ngunit dahil ito sa item build niya na kadalasan ay pangdepensa.

Matapos maipamalas ang kanyang kalibre sa MPL ID, interesanteng abangan kung mananatili ba siya sa Geek Fam at sasamahan pa rin si Baloyskie sa susunod na season.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita at guides tungkol sa iba’t-ibang esports titles.


Hango ito sa orihinal na kathang matatagpuan sa ONE Esports Indonesia.


BASAHIN: Ang plano ni Baloyskie matapos ‘di makapasok ang Geek Fam sa MPL ID S10 playoffs