Nagbunga na ang nais ni Allen “Baloyskie” Baloy na makaharap ang dati niyang mga kakamping sina Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie James “Wise” Del Rosario ng Blacklist International sa ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022).

Ito ay matapos manaig Geek Fam ID kontra Orange Esports, sa iskor na 2-1. Ang pambato ng Malaysia ang sumunod sa RRQ Sena sa listahan ng mga koponang nilaglag ng tropa nina Baloyskie sa turneo.

Baloyskie pinatunayang kayang-kayang ilaglag ng Geek Fam ID ang Orange Esports sa MPLI 2022

Baloyskie at Geek Fam ID tinalupan ang Orange Esports para makaharap ang BLCK sa MPLI 2022
Credit: ONE Esports

Sa unang mapa ng best-of-three, papatunayan ni Mohammad “Caderaa” Pambudi na bagamat mabubugobog sa nerf ang isang hero, imposible namang mapahina ang gumagamit nito.

Kumana kasi ng Maniac ang Indonesian gold laner gamit ang Beatrix habang nagsasayaw ang dalawang koponan sa may Lord, bandang 13-minuto ng bakbakan. Nagsilbing susi ang play na ‘to para kilalanin siya bilang MVP at maselyo ang panalo.

Kung anong gilas ang ipinamalas ng Geek Fam ID, gayun din ang ginawa ng Orange Esports para makaganti sa ikalawang mapa. Napilay nila ang Ling ni Jaymark “Janaaqt” Lazaro matapos agawan nang agawan nang buff dahilan para mapuwersa ang game three sa loob lang ng halos 14 minuto.

Nagkamali naman ang Orange Esports na ibigay ang mga comfort picks ng Geek Fam ID kung kailan do-or-die na. Muli kasing napasakamay ni Baloyskie ang Kadita, na malaki rin ang ginampanang papel sa kanilang panalo sa unang mapa, maging ang Fredrinn ni Luke “LUKE” Valentinus.

Tiniyak naman ng Indonesian EXP laner na pagbabayaran ito nina Muhammad “SoloAim” Abas. Tinapos niya ang higit 14 minutong bakbakan nang may 100% kill participation mula sa tatlong kills at game-high 10 assists.

Baloyskie at Geek Fam ID tinalupan ang Orange Esports para makaharap ang BLCK sa MPLI 2022
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Sa post-match interview, ipinabatid din ng Pinoy jungler na si Janaaqt ang kanilang pagkagalak sa katuparan ng kanilang hiling na makaharap ang kasalukuyang world champions.

“Yeah, we are all excited to face the champion of MPL Philippines,” saad niya.

Nakatakdang ganapin ang kanilang bakbakan bukas, ikalima ng Nobyembre, sa ganap na ika-isa ng hapon. Maaaring subaybayan ang mga laban sa opisyal na FacebookTikTokTwitchTwitter, at YouTube ng ONE Esports.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: MPLI 2022: Schedule, format, mga team, saan mapapanood at mga resulta