Mabilis na pinatumba ni Nathanael “Nathzz” Estrologo at ng kaniyang RSG Slate Philippines ang pangahas na TNC Pro Team ML sa una nilang serye na kinatampukan sa Week 2 ng MPL Philippines Season 11.
Kapansin-pansin sa nasabing serye ang paghawak ng batang pro sa Edith sa ikalawang mapa na nagmarka bilang ang unang pagkakataon na naisalang ang hero sa EXP lane sa gumugulong na season. Si Nathzz, simple ang tugon kung bakit ito ang pinagana niya sa laro.
Edith pangontra daw sa komposisyon ng TNC sa G2 ayon kay Nathzz
Sa post-game interview kasama si Mara Aquino, diretso sa punto ang sagot ni Nathzz kung bakit isinalang niya ang bagong-luto niyang hero kontra TNC sa closer.
Tugon ng 16-anyos, “Para yun sa hero ng kalaban. Yung mga Lapu, tapos Fredrinn jungle nila kaya nag-Edith ako kasi maganda Edith sa composition nila.”
Patas ang naging laning phase ng RSG Slate EXP laner kontra sa meta hero na Lapu-Lapu ni Mark “Kramm” Rusiana, ngunit ipiniramdam agad ng MSC 2022 Most Valuable Player ang kayang gawin ng kaniyang hero sa unang bahagi ng laro.
Nagtala ng maagang 1/0/2 KDA si Nathzz pagkaraan ng unang turtle fight para kuhanin ang kalamangan para sa kaniyang hanay, ang bahagi ng laro na tipikal na dinodomina sana ng Lapu-Lapu at jungler Fredrinn ng Phoenix Army.
Bagamat hindi nagpanganga ang kaniyang 3/4/11 KDA sa pagtatapos ng laro, nasaksihan ng mga miron ang heavy setup capability at damage na kayang ilabas ng Edith ni Nathzz papunta sa ikalawa nilang series win ngayong regular season.
Susunod na makakatapat ni Nathzz at ng kaniyang RSG Slate PH ang matikas na Bren Esports sa March 4, 6:30 ng gabi.
Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: RSG Coach Panda ngayong MPL PH S11: “My focus is to have the whole team be top-tier”