Unang bahagi pa lamang ng MPL Philippines Season 10 regular season ay kapansin-pansin na ang kakaibang atake ng ECHO sa kanilang player rotation. Ito ay dahil bukod-tangi ang kanilang pamamaraan sa pagsalang ng players, kung saan imbis na player substitution, ay team substitution ang kanilang ipinapatupad.

Hindi masisisi kung bakit may ilang nagtataka sa epekto nito sa players at sa performance ng team, ngunit ayon kay Harold Francis “Coach Tictac” Reyes, may katwiran ang ganitong sistema.


Coach Tictac inilahad kung bakit may Team 1 at Team 2 sa ECHO

Credit: MPL Philippines

Sa panayam kasama ang media matapos ang panalo kontra Nexplay EVOS, ibinahagi ni Coach Tictac ang rason sa likod ng nasabing player rotation approach.

Aniya, naipako na daw na gagawin nila ang sistemang ito kahit pa noong nandoon pa ang dating head coach ng team na si Michael “Coach Arcadia” Bocado.

“So may idea kami na, mayroong isang team na ganito yung playstyle, and the other one is may ganitong playstyle. So depende sa kalaban namen kung sino yung gagamitin namen,” paglalahad ng coach.

Dagdag pa ng esports veteran, “Sobrang saya kasi parehas competitive yung 2 teams namen. So mas medyo malilito yung kalaban namen kung sino yung paghahandaan nila.”

Credit: MPL Philippines

Matapos ang panalo ng koponan ni Coach Tictac kontra Nexplay, inamin din niya na malaking ang magagawa nito sa kumpiyansa ng kaniyang team. Kuwento niya, “Napakalaking bagay lalo na sa team 2. Kasi nga sa past, kanina, maraming nagdodoubt sa team 2. Kumbaga ito yung statement.”

Tatapusin ng ECHO ang unang bahagi ng regular season na may 5-2 record at nakapostura para makakuha ng playoff spot.

Sa huling tala, bukod-tangi ang ECHO na nakatalo sa top 2 teams na Blacklist International at ONIC Philippines na pareho nilang napatumba sa 2-1 score.

Para sa mga balita tungkol sa MPL PH, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Blacklist pumukol ng 2-1 kontra RSG PH, numero uno na sa S10 regular season standings