Kung bago ka pa lang sa paglalaro ng Mobile Legends: Bang Bang o sa panonood ng MPL Philippines, marahil ay nagtataka ka sa isang higanteng neutral creep na nakapuwesto sa taas o ibabang parte ng gitnang bahagi ng mapa.
Mapapansin mo din na tipikal na nagtitipon-tipon sa area na ito ang heroes ng magkalabang team na nagpapaunahan sa pagkuha nito. Ito ang tinatawag ng Turtle (o kilala ding Cryoturtle o Dragon Turtle depende sa mapa), ang isa sa mga pinakamahalagang objectives sa laro.
Lahat ng dapat malaman tungkol sa Turtle sa MLBB at bakit importante ito sa team
Malaking ang pakinabang kung makukuha ng isang team ang Turtle sa maagang bahagi ng laro. Ito ay dahil bukod sa 400(+40*Hero Level) Damage shield, 20(+2*Hero Level) Physical Attack at 25(+4*Hero Level) Magic Power na matatanggap ng hero na nakapatay dito, maambunan din ang mga kakampi ng 200(+20*Hero Level) one-time shield.
Bukod sa buffs, may karampatang gold at experience din ang matatanggap kapag naselyo ng team ang neutral objective.
Nabubuhay ang neutral creep sa unang 120 segundo ng laro at pagkatapos nitong makitil ay mag-rerespawn ito sa kabilang bahagi ng mapa sa susunod na 120 segundo. Titigil lamang ang pag-refresh ng Turtle kapag tumama na ang 7 minute at 5 second mark sa game time, oras din na maghuhudyat ng pagdating ng midgame.
Dahil ang MLBB ay laro ng pagkokontrol sa ekonomiya sa unang bahagi nito, ganoon na lamang ang prayoridad sa pagkuha ng Turtle partikular na sa mga laro sa pro play tulad ng napapanood sa MPL PH. Malaki din ang epekto ng buffs na natatanggap mula rito na maaaring magbigay ng abante sa team sa pagkuha ng iba pang objectives tulad ng tower push.
Pero paano nga ba nagagawa ng high-level players na epektibong makuha ang Turtle?
Tips para ma-secure ang Turtle para sa team mo
Alam mo dapat at ng iyong mga kakampi ang oras kung kailan lalabas ang creep at kung kailan ito mabubuhay ulit, para sa gayon ay mapagtulungan niyong makuha ito lalo na kung ikaw ang jungler ng pangkat.
Mahalaga na maagang makakuha ng puwesto ang heroes ng team mo sa paligid ng Turtle pit para ligtas na masimulan ang pagkuha sa neutral objective. Kapag nagawa ito ng team mo, mapupuwersa din ang kalabang team sa alanganing posisyon, dahilan para mahirapan sila makalapit dito.
Kaya mapapansin sa high-level play na bago pa man dumako ang 2 minute game time ay naka-puwesto na ang heroes ng teams bilang paghahanda sa Turtle fight. Maagap din ang ibang miyembro sa ibang lanes na tumulong sa pagkuha nito.
Siyempre, maigi rin marunong ang inyong jungler sa timing ng paggamit ng Retribution Battle Spell na tipikal na nagdidikta ng kalalabasan ng objective take. May mga pagkakataon kasi na kahit maagang nakapuwesto at nabugaw ang kalabang team, ay nanakaw ng kalabang jungler ang Turtle dahil sa magandang timing sa battle spell.
Mas mapapadali din ang buhay ng jungler ng team mo kung gagamit ng Demon Slayer talent, isa sa mga opsyon sa Jungle Emblem set na nagbibigay ng dagdag 20% damage sa Turtle, Lord, at Turrets, habang nagbibigay ng dagdag 20% damage reduction sa Lord at Turtle.
Madalas na ginagamit ang talent na ito sa laruan ngayon sa MPL PH dahil sa pokus ng teams sa objectives para mapanalo ang laro.
Para sa iba pang tips at tricks sa paglalaro ng MLBB, sundan lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines!