Madalas marinig ang term na jungle invade sa MLBB simula noong masemento ang role ng mga jungler sa laro at naging mas prominente ang pag gamit ng Retribution na Battle Spell.
Kadalasan ay nagsisilbing susi ang stratehiyang ito sa tagumpay ng mga koponan. Ngunit dahil sa paraan kung paano ito ginagawa, mas pangkaraniwan itong makita sa professional scene at sa mas matataas na ranggo sa ranked games.
Kaya naman para mas maintindihan ng karamihan ang importansya ng jungle invade sa MLBB, hinimay namin ang stratehiyang ito.
Ano ang jungle invade sa MLBB at para saan ito
Ang jungle invade ay ang akto ng pagpasok sa jungle area ng kalaban. Kadalasan itong ginagawa ng roamer o midlaner.
Ang pangunahing dahilan ng pag-jungle invade ay para ma-delay ang pagkuha ng kalabang jungler sa mga buff. Kung kaya, mainam din kung maagaw ito.
Sa unang tingin, hindi kasing ramdam ang bentaheng makukuha sa pag-invade ng jungle kumpara sa pag-agaw ng Turtle o Lord. Gayunpaman, ginagawa ito, lalo na sa pinakamatataas na lebel ng paglalaro, para masira ang timing ng kalaban.
Kung maggugugol kasi ng mas mahabang oras ang kalabang jungler para makakuha ng buff, made-delay nito hindi lang ang kanyang item, kung hindi pati na rin ang pag-rotate niya sa ibang late at pagkuha ng ibang objective.
Pwedeng samantalihin ang pagkaka-delay na ito para ang kakamping jungler naman ang makapag-rotate sa ibang lane.
Kung susumahin, maliit na bagay lang ang pag-jungle invade sa MLBB pero malaki ang magiging epekto nito para maitala ng inyong koponan ang maagang kalamangan.
Paano ginagawa ang jungle invade sa MLBB
Gaya ng nabanggit, kadalasang ginagawa ang pag-invade sa jungle area ng kalaban ng mga roamer. Mas magiging mabisa ito kung ang mapipiling roamer ay may burst damage o crowd control, lalo na ‘yung mga puwersahang nakakapagpabago sa posisyon ng tatamaan.
Sa simula ng laban, pepwesto na agad ang magi-invade sa lugar kung saan unang kukuha ng buff ang kalaban (kadalasan ay sa kung saan mas malapit unang magii-spawn ang Lithowanderer). Paglabas, dapat gamitin ng magi-invade ang kanyang skill para ma-reset ang buhay ng creep, ma-stun ang kalaban, o maagaw ang buff.
Pero hindi lang sa simula ng laban pwede gawin ang pag-jungle invade, bagamat mas ramdam ang magiging benepisyo nito sa early game. Gayunpaman, ang pag-agaw ng buff sa mid game ay makakatulong din para bahagyang mapahupa ang power spike ng kalabang jungler.
Kung hindi man buff ang makuha, mabisa rin ang pag-invade sa jungle para makapitas ng kalaban. Mas mabisa ito gawin sa late game kung kailan mas matagal na ang respawn timer at mas mahalaga ang bawat objective.
Kung susumahin, mabisang stratehiya ang jungle invade sa MLBB. Para mas masulit ang benepisyong makukuha dito, siguraduhin din na makapagtatag ng maayos na komunikasyon sa pagitan ng mga miyembro ng inyong koponan.
Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: MLBB 101: Ang Roam na role, mga dapat gawin, at mga hero para dito | ONE Esports Philippines