Alter Ego ang mananaig sa Indonesian showdown sa unang round ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022).
Ito ay matapos nilang pumihit ng 2-1 kontra sa matikas na Rebellion Zion salamat sa swabeng Valentina gameplay ni Muhammad “Udil” Ardiansyah at Muhammad “KidsZ” Fauzi sa Leomord na nanguna sa krusyal na game three.
KidsZ at Udil bumida para sa Alter Ego, sinipa ang RBZ mula sa MPLI 2022 kumpetisyon
Nalugi man sa unang bahagi ng laro, bumuwelta ang Alter Ego sa likod ng halimaw na Gusion ni KidsZ. Namayagpag ang kaniyang assassin mage sa midgame matapos makuha ang key items na Genius Wand at Divine Glaive na nagpabaga ng kaniyang burst potential para muli’t-muling tunawin ang mga miyembro ng Rebellion Zion.
Bukod sa perpektong 11/0/4 KDA, pambihira din ang kill participation ng AE jungler matapos kumalawit ng 100% KP, sapat para hirangin siya bilang Game MVP.
Kung anung agresyon ang ipinamalas ng Alter Ego ay gayundin ang isinukli ng Rebellion Zion sa ikalawang sultada. Karne ang mga miyembro ng Alter Ego sa Beatrix ni Dhannya “Haizz” Hoputra at Lylia ni David “Swaylow” Sihaloho na bumuo ng 10/2/8 combined KDA para isarado ang game two sa 13-3 kill score tambakan.
Bagamat nanakaw ang momentum sa ikalawang mapa ay hindi pinayagan ni KidsZ at Udil na maulit ito sa game three nang isalang nila ang bagong-luto na Leomord jungle, na sinuportahan ng Valentina.
Sentro ang dalawang hero sa atake sa ika-17 minuto ng laro kung saan sandamakmak na damage ang pinakawalan ni Kidz para mapitas ang dalawang miyembro ng RBL, bago tuluyang basagin ang inhibitor turrets at base sa sumunod na minuto.
Krusyal ang mga nakaw ni Udil sa Real World Manipulation ng katapat na Yve para makontrol ang team fights sa kanilang panig. Naglista ang Alter Ego midlaner ng 3/1/7 KDA at 83% Kill Participation para hiranging Game MVP.
Sa panalo, aangat ang Alter Ego sa second round upang harapin ang makamandag na RSG Philippines. Samantala, matatanggal na ang Rebellion Zion sa kumpetisyon sa MPLI 2022.
Para sa pinakahuling balita tungkol sa MPLI 2022, sundan lamang ang Facebook page ng ONE Esports Philippines.
BASAHIN: Bakit nagpasok ng bagong players ang RSG PH para sa MPLI 2022? Binigyang-linaw ito ni Coach Panda