Kalat na sa eksena ng Mobile Legends: Bang Bang sa Pilipinas at Indonesia ang bali-balita na lilipat umano si Smart Omega gold laner Duane “Kelra” Pillas sa ONIC Esports.
Malaking bagay ito dahil isa si Kelra sa mga pinakamalakas na gold laner sa Pinas. Simula pa lang ng kanyang karera noong 2020 sa MPL Philippines, napukaw na niya ang atensyon ng marami dala ng kanyang agresibong laro.
Makailang-ulit na rin siyang bumida para sa Smart Omega sa mga torneo, kabilang na rito ang Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2021 kung saan siya ang itinanghal na Finals MVP.
Ngunit ngayong 2022 ay hindi pinalad ang Barangay na manalo ng kampeonato. Hindi sila nagtagumpay sa MPL Philippines Season 9 at 10, hindi nila nadepensahan ang kanilang trono sa MSC 2022, at maagang natanggal sa ONE Esports MPL Invitational 2022.
At dahil diyan ay napapabalitang lilisanin niya ang Omega at Pilipinas para maglaro bilang reserve player ng ONIC Esports sa Indonesia.
Ito ang sinabi nila ONIC Esports coach Aldo at Mars sa bali-balitang paglipat ni Kelra sa kanilang koponan
May ilang senyales na nagpapakitang lilipat si Kelra sa ONIC Esports sa Indonesia. Kabilang na rito ang makikita sa kanyang Instagram story, ang nabanggit ni ONIC ID roamer Thomas “SamoHT” Obadja sa isang livestream at ang Facebook post ni Smart Omega veteran Billy “Z4pnu” Alfonso.
Kaya naman tinanong ng ONE Esports ang dalawang ONIC coaches na sina Ronaldo “Aldo” Lieberth at Ahmad “Mars” Marsam matapos magwagi ng Yellow Hedgehogs sa ONE Esports MPLI 2022. At pareho nilang pinabulaanan ang usap-usapan.
“Itu rumor doang, saya tak tahu apa-apa,” saad ni Aldo. (Tsimis lang ‘yan, wala akong alam dyan.)
“Yang bikin rumor itu muncul kan karena Kairi mabar sama Kelra. Terus Kelra kan bikin story mau ke Indonesia. Kami sih belum ada pikiran ke sana (Kelra) dan fokus ke M4 dulu dengan komposisi kami sekarang,” wika naman ni Mars.
(Kaya lumabas ang tsismis na ‘yan dahil nakitang magkasamang naglalaro sina Kairi at Kelra. At gagawa si Kelra ng kwento na gusto niyang pumunta sa Indonesia. Wala pa kaming iniisip na kukunin siya at nakatuon kami sa M4 kasama ang aming composition ngayon.)
Nang tanungin din si Pinoy jungler Kairi “Kairi” Rayosdelsol kung gusto niyang makasama si Kelra, may pag-aalangan sa kanyang sagot at agad na bumaling kay Calvin “CW” Winata.
“Oo. ‘Di ko alam. Pero si CW ay magaling din talaga,” ani niya.
Para sa mga balita at guides patungkol sa Mobile Legends, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Hango ito sa artikulo ni Redzi Arya Pratama ng ONE Esports Indonesia.
BASAHIN: 3 senyales na lilipat si Kelra sa ONIC Esports ng Indonesia