Isa sa mga pinakamatinik na junglers si RRQ Hoshi star player Albert Nielsen “Alberttt” Iskandar sa Indonesia. Sa katunayan, madalas siyang inihahanay sa mga premyadong junglers mula sa Pilipinas.
Sa gumugulong na M4 World Championship sa Jakarta, Indonesia, may pagkakataon si Alberttt na makalaban ang tatlong tinitingalang Pinoy core players: sina Danerie James “Wise” Del Rosario ng Blacklist International, Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno ng ECHO at Kairi “Kairi” Rayosdelsol ng ONIC Esports.
Sa isang press conference, tinanong ng ONE Esports ang tinaguriang “Baby Alien” ng RRQ Hoshi kung sino sa mga nabanggit na Pinoy junglers ang gusto niyang makalaban sa M4.
Ang Pinoy jungler na gustong makalaban ni Alberttt sa M4
Nakatakda nang makabangga ng RRQ Hoshi ang reigning world champion na Blacklist International sa upper bracket semifinals sa ika-11 ng Enero. Ito’y matapos paluhurin ng “King of Kings” ang Todak ng Malaysia sa pamamagitan ng 3-0 sweep upang buksan ang kanilang kampanya sa playoffs ng M4 sa mismong ika-18 kaarawan ng pamosong jungler.
Napipinto na rin ang muling paghaharap nila Alberttt at Wise sa world stage. May tsansa nang makabawi ang Indonesian jungler sa Codebreakers na winalis sila sa M3 lower bracket quarterfinals.
Sa kabila nito, hindi raw si Wise ang gusto niyang makasagupa sa kasalukuyang torneo.
“Maybe, Kairi.”
Nang tanungin naman patungkol sa kanyang rason, simple lang ang tugon ni Alberttt.
“I want to match up against an assassin player.”
Kilala si Kairi sa paglalaro ng assassin heroes, partikular na ang Ling at Fanny–dahilan para bigyan siya ng bagong palayaw ng Indonesian MLBB fans na “Sky King“.
Maging si KarlTzy ay tanyag din sa paggamit ng assassins at sa katunayan ay nakakabit na sa pangalan niya ang Lancelot. Subalit sa mga nakalipas na laro ng ECHO sa M4, Fanny pa lang ang madulas na hero na nailalabas ng M2 MVP.
Tanging si Wise lang sa mga Pinoy junglers sa M4 ang hindi kilala sa paglalaro ng assassins. Pero walang pagpipiliian si Alberttt kundi daanan muna ang tinaguriang “King of the Jungle”.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa M4 at Mobile Legends: Bang Bang.