Pinatunayan ng Nexplay EVOS jungler na si Ken Louie “Kzen” Pile na totoo ang kasabihang “Akai wins games.” Ito ay karugtong ng pagpapatumba ng NXPE sa TNC Pro Team ML, 2-1, sa Week 5 Day 2 ng MPL Philippines Season 10.
Sa naturang matchup, sumandal ang Neon Tigers sa Akai ni Kzen sa games two at three para baliktarin ang serye at putulin ang kanilang masalimuot na 6-game losing streak.
NXPE kinalawit ang importanteng panalo kontra TNC sa likod ng Akai ni Kzen
Malubak ang naging simula ng serye para sa hanay ng NXPE na pinatikim ng Phoenix Army ng bago-luto na hero composition.
Delubyo ang dinala ng Selena + Edith comp ng TNC na pinahirapan ang Nexplay dala ng matinding lockdown. Bukod dito, binigyan din ng nasabing combo ng espasyo ang kanilang damage dealers para makabuo ng kanilang core items.
Kalaunan ay hindi nagawan ng paraan ng Nexplay ang Beatrix ni Robee Bryan “Yasuwo” Pormocille na pumutok at naglista ng 6/0/4 KDA at sandamukal na 45k damage dealt papunta sa MVP of the game gantimpala.
Pinanindigan ng Phoenix team ang nasabing komposisyon na isinalang din nila sa game two. Gayunpaman, matalinong Akai pick ang naging sagot ng NXPE para lutasin ang pamatay na combo ng kalaban.
Partikular na ipinamalas ni Kzen ang lakas ng kit ng kaniyang hero sa engkwentro sa ika-21 minuto ng laro kung saan nilikuran niya ang mga miyembro ng TNC na sa puntong iyon ay pumupuwesto para sa Lord objective.
Pasabog ang Heavy Spin ng kaniyang Akai na inipit ang damage dealers ng TNC, dahilan para mapitas ang mga ito ng kaniyang mga kasampi, makuha ng team ang Lord at mag-martsa papunta sa equalizer.
Parehong gilas sa hero ang ipinakita ni Kzen sa deciding game kung saan hindi nakaporma ang TNC kahit pa hawak ni Daniel “SDzyz” Chu ang delikadong Fanny sa jungle. Sa game three, nagtala ang rookie jungler ng simple ngunit epektibong 1/0/2 KDA para mailista ang kanilang ikalawang panalo sa MPL PH Season 10 at manatiling nasa posisyon para makalahok sa playoffs.
Samantala, lulubog naman ang TNC sa matarik na 1-7 record.
Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: BREN kumana ng 2-1 kontra ONIC PH, pagtitibayin ang tiyansang makabalik sa MPL PH playoffs