Pagkaraan ng dalawang seasons, kakalas na mula sa ECHO ang EXP Laner na si Frediemar “3MarTzy” Serafico. Ito ay karugtong ng anunsyo ng koponan sa Facebook kung saan kasabay ng pamamaalam ay nagpasalamat ang mga ito sa naiambag ng pro sa kanilang hanay.

“We’ll miss your TPs and flashy plays — the house of highlights is very proud to have had you as one of us,” sulat ng team.


Karera ni 3MarTzy kasama ang ECHO

Credit: ECHO

Pagkaraan ng magilas na performance para sa TNC Pro Team ML noong Season 8, mababalikan na isa si 3MarTzy sa mga mahahalagang adisyon ng ECHO bago magsimula ang MPL Philippines Season 9 upang mabuo ang tinaguriang ‘Super Team’ ng MPL.

Pambihira ang ipinamalas ng EXP laner katuwang ang kapwa stars na sina Karl “KarlTzy” Nepomuceno at Tristan “Yawi” Cabrera para makuha ng team ang pinakamagandang simula sa unang bahagi ng S9. Bagamat nahulog ang mga ito sa hindi inaasahang first round exit sa gumulong na playoffs ay nasaksihan ng mga miron ang kakayahan ng 18-anyos na idomina ang kaniyang lane.

Natagpuan ni 3Mar ang kaniyang sarili sa kakaibang posisyon sa sumunod na season, hindi dahil sa bagong role ang kaniyang nilaro kundi dahil sentro siya ng ECHO Proud lineup, ang isa pang roster na isinalang ni Coach Archie “Tictac” Reyes sa Season 10.

Credit: MPL Philippines

Mahalaga ang play ng tubong-Maynila sa tagumpay ng ECHO dahil tinulugan niya na makapuwesto ang team sa mahalagang second seed matapos ang regular season. Binigyang-daan nito na makalawit ng team ang first runner up finish sa matarik na playoffs, katuwang pa ang tiyansang patunayan ang kanilang sarili sa pinakamalaking entablado sa M4 World Championship.

Sa pag-alis ni 3MarTzy, si Sanford “Sanford” Vinuya na lamang ang matitirang EXP laner para sa Purple Orcas. Sa kasulukuyan, wala pang anunsyo ang pro sa kaniyang mga plano para sa hinaharap.

Sundan ang pinakahuli sa Mobile Legends sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Kumpletong roster ng mga kasaling koponan sa M4 World Championship