Muling pinatunayan ni rookie jungler John Darry “1rrad” Abarquez na kaya niyang makipagsabayan sa international stage matapos pagbidahan ang 2-0 pandudurog ng RSG PH laban sa Team HAQ ng Malaysia sa ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022).
Nagpasiklab na naman si 1rrad gamit ang sumisikat na jungle Martis at Leomord para mapatalsik ng Raiders ang MPL Malaysia champions at umarangkada sa semifinals ng 20-team regional tournament.
Jungle Martis at Leomord ni 1rrad bida sa dominanteng panalo ng RSG PH
Halos synonymous na kay 1rrad ang Fighter hero na si Martis sa gumugulong na torneo at ito ang ipinamalas niya ulit sa Game 1 ng serye. Maaga siyang umariba salamat sa itinala niyang triple kill. Mula dito ay siniguro ng 19-year-old jungler ang lahat ng neutral objectives at walang takot na pinapasok ang mga kalaban para paandarin ang atake ng Raiders.
Sa bandang 13 minuto, nakipagsanib-puwersa si 1rrad kay Nathanael “Nathzz” Estrologo (Esmeralda) upang burahin ang Team HAQ sa malaking clash sa mid lane. Matapos kuhanin ang Enhanced Lord, nagmartsa na ang RSG PH para ipako ang dominanteng panalo kung saan tinanghal na MVP si 1rrad.
Pang-MVP na naman galawan ni 1rrad sa kanyang Leomord sa Game 2. Bagamat nakakapalag ang Team HAQ sa early game, nagsimulang kumalas ang RSG PH matapos manaig sa mid lane clash sa 7-minute mark. Nahuli ni Dylan “Light” Catipon (Grock) ang Beatrix at Atlas sa bush at agad sumunod si 1rrad na naka-Phantom Steed ultimate para ilista ang triple kill.
Kasama ang Lord sa panapos na push, buong tapang na sinugod ni 1rrad ang mga Malaysian at pinaslang ang tatlo sa kanila habang binabasag ng kanyang mga kakampi ang crystal base. Sa huling sandali lang namatay ang bagong sensation ng Raiders matapos siyang magtala ng 10 kills at 4 assists, at magpakawala ng mahigit 48K damage sa laro na tumagal lang ng halos 10 minuto.
Sunod na sasagupain ng RSG PH sina Allen “Baloyskie” Baloy at Geek Fam na sorpresang winalis ang Blacklist International kanina.
Samantala, isang kampeon na naman ang namaalam sa torneo matapos lumapag ang Team HAQ sa 5th-8th place na may premyong US$3,000 o nasa PHP175,000.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.