Pagkatapos ng napakaraming bug fixes, sa wakas ay nakatungtong na din ang undead king of Runeterra sa Leage of Legends competitive scene, anim na buwan pagkatapos ng kaniyang opisyal na paglabas.
Sa simula ng Summer Split Week 1, nakita na agad natin ang Viego sa pro play sa LCS, LEC, LPL at LCK regions. Kahit pa inilabas siya bilang jungler ng Riot Games ay mas madaming pro ang gumagamit sa champion na ito bilang solo mid.
Kamusta naman kaya ang mid lane Viego sa pro play? Ano ang dalang impact ng Viego sa meta ngayon? Ano bang pinakapopular na build sa kaniya ngayon, at talaga bang matikas siya gaya ng sabi sa kaniyang lore?
Win rate ng Viego sa pro play
Matapos ang dalawang linggo ay nasaksihan natin ang Viego na nagtala ng 53.4% win rate sa pro play sa mga major regions. Sa pinakahuling bilang, nakalista ng 31 panalo at 27 talo ang champion na ito.
Gayunpaman, magandang suriin ang ugnayan ng win rate at presensya nito sa laro: kung gaano kadalas na-pipick o na-baban ang champion. Sa top 15 highest presence champions, tabla ang Viego sa Varus para sa pangatlong pinakamataas na win rate na sumunod lamang sa Sett na may 58% at Akali na may 69%.
Sa ngayon, ang champion ay nasa 15th place na may 55% presence. Na-pick ang Viego ng 55 beses habang na-ban naman ito ng 48 beses. Kalahati ito ng presence ng Rumble na may 94% presence na na-pick ng 111 ulit at na-ban naman ng 77 beses.
Kung susumahin, isang beses lamang kada serye ang presensiya ng Viego sa laro. Mapapalagay na epektibo ang mga team na kumukuha sa kaniya dahil kahit pa hindi natin siya madalas makita ay pangatlo pa rin siya highest win rate.
Paano ba ginagamit si Viego sa pro play? Anong mga role ang ginagampanan niya?
Sa 58 na laro na nagpakita si Viego ay ginamit siya bilang mid laner ng 26 na beses, top laner naman ng 22 beses, at jungler ng sampung beses.
Kahit pa pinakamatikas ang mid laner Vigeo kumpara sa ibang roles ay pinakamababa ang win rate nito na naglista lamang ng 46.2%.
Kagulat-gulat na bilang jungler, 60% win rate naman ang naitala para sa kaniya.
Dahil dominante ang mid lane meta ngayon ng mga champions tulad nila Akali, Sett, Lucian, Sylas at kung minsan ay si Orianna, hindi madali para kay Viego na makipagpalitan sa kaniyang mga katapat lalo na sa early game.
Para maging mas epektibo ay ginagamit siya bilang counter pick sa top lane o di kaya naman ay angkinin ang jungle role para maka-scale at makuha ang kaniyang power spike.
Ang pinakamalulupit na Viego pro players sa 2021 Summer Split
Tampok sa Viego pro plays ang LGD mid laner na si Su “Xiye” Han-Wei ng LPL at G2 top laner Martin “Wunder” Nordahl Hansen ng LEC na parehong hinawakan ang champion ng tatlong beses. Parehong walang talo ang dalawang pro sa maniobra sa Ruined King.
Impresibong 8.3 KDA ang itinala ni Xiye gamit ang Viego na pinakamataas sa lahat ng players. Ang malaking tulong na ginawa ng LGD mid laner sa pagpapabagsaak sa JD gaming, 2-1 sa LPL ang malaking patunay sa kaniyang consistent play hawak ang champion.
Solido naman ang performance na ibinigay ni Wunder sa tatlong laro niya sa 2021 LEC Summer Split kung saan tinulungan ng kaniyang Viego pataubin ang MAD Lions, SK Gaming at ang karibal niala na Rogue.
Personal best din ang inilista ng top laner ng G2 kontra SK Gaming kung saan pina-aray niya champions ng kalaban sa 613 damage per minute (DPM). Laban naman sa MAD Lions, 9.4 CS per minute ang itinala niya na mas mataas sa 7.9 average sa pro play.
Umalingawngaw naman sa LCK ang pagpalit ng roles ng jungler ng DWG KIA na si Kim “Canyon” Geon-bu para hawakan ang mid lane Viego sa kanilang salpukan kontra KT Rolster. Si Kim “Malrang” Geun-seong na gayon ang kanilang jungler habang si Heo “ShowMaker” Su naman ang sumama kay Jang “Ghost” Yong-jun sa bottom lane.
Anong mga build ang popular sa pro eksena?
Sa unang salta ng Viego sa League of Legends noong Enero, go-to Mythic item ng champion ang Kraken slayer na sinundan ng Blade of the Ruined King na isang item na ipinangalan sa kaniya.
Maraming patch updates at experimentation ang nakalipas bago matuklasan ni Lee “Faker” Sang-heyok ang makabagong Viego build na kinabibilangan ng Immortal Shieldbow bilang Mythic item na sinundan ng Black Cleaver o Guardian’s Angel.
Pagdating ng League of Legends patch 11.11 ay muling naiba ang core build ng champion dahil sa malaking buff na ibinigay sa Divine Sunderer. Tampok sa buff na ginawa ang 12% maximum health damage on-hit kasama pa ang 65% heal up para sa mga melee champions.
Natural, nakadepende pa rin sa matchup ang build na gagawin para kay Viego. Maraming players ang kumukuha ng alinman sa Immortal Shieldbow o Divine Sunderer para sa Mythic item kahit ano pang role ang gagampanan ng champion. Popular pa din ang Blade of the Ruined King bilang pangalawang item.
Tataas pa kaya ng presence at win rate ng Viego sa pro play? O makukuha na kaya ng mga pro teams ang sagot para sa champion na ito?