Ang bidang aktor ng paparating na Marvel film na Shang-Chi and the Legend of the Ten Rings na si Simu Liu ang pinakabagong miyembro ng League of Legends celebrity club matapos mapag-alaman na isa siyang fan ng laro.
Sa isang tweet, nakuwento ng aktor kung paano niya sinubukang ipaliwanag ang sikat na MOBA ng Riot Games sa kanyang Marvel co-star na si Angelina Jolie noong Comic-Con 2019.
Para subukang i-summarize ang komplikadong laro sa ilang salita, malamang ay malawak na ang pagkakaintindi ni Liu sa LoL. Kung paano sila napunta ni Jolie sa ganitong usapan ay hindi tiyak, pero maaaring kinukumbinsi niya ito na maglaro kasama siya.
Malugod na tinanggap ng LoL community ang kwento ni Liu. Napansin din ito ng opisyal na League of Legends Twitter account pati na rin ng ilang tanyag na LCS teams gaya ng Team Liquid at Immortals.
Anong video games pa ang nilalaro ni Simu Liu?
Hindi ipinagkakaila ni Liu ang kanyang pagiging gamer.
Iba’t-ibang gaming titles ang kanya nang nasubukan, gaya ng Diablo 2, Mortal Kombat—kung saan siya ay isang Sub-Zero main—ilang Star Wars video games, pati na rin syempre, League of Legends.
Swak din sa kanyang ginagampanang karakter sa patok na Canadian TV sitcom na Kim’s Convenience na si Jung Kim sa kanyang pagka-gamer sa totoong buhay.
Samantala, ipapalabas naman ang Shang-Chi and the Legends of the Ten Rings, kung saan bida si Simu Liu, sa ikatlo ng Setyembre dito sa Pilipinas.