Inuwi ng League of Legends team ng SIBOL, ang national esports team ng Pilipinas, ang pilak na medalya mula sa ika-31 Southeast Asian Games na ginanap sa Hanoi, Vietnam.
Ito ang ika-apat na medalyang nakamit ng bansa sa biennial sporting meet ngayong taon matapos sumelyo ang mga Pinoy ng ginto sa League of Legends: Wild Rift women’s division, Mobile Legends: Bang Bang, at isa pang pilak sa CrossFire.
Binubuo nina Van Matthew “Vansu” Alfonso, David Emmanuel “YJY” Tapang, Hezro Elijah “Parzival” Canlas, Andre Dominique “Calumnia” Soriano, Jan Edward “Cresho” Hortizuela, at Jan Raphael “RVL8” Retance ang SIBOL League of Legends team.
Ang kampanya ng SIBOL League of Legends team sa 31st SEA Games
Sinimulan ng SIBOL League of Legends team ang kanilang kampanya sa 31st SEA Games sa Group A, kasama ang Thailand at Singapore. Pumukol ng tatlong panalo at isang talo ang koponan para tapusin ang group stage na may parehong win-loss record sa Singapore, ang tanging bansa na nakadungis sa kanilang standing.
Pero sa paghaharap ng dalawa sa tiebreaker, napatunayan ng SIBOL na sila ang karapat-dapat na maging topseed ng kanilang grupo. Naka-abante sila sa final stage, kung saan nakaharap nila ang second seed ng Group B na Malaysia sa semifinals.
Naunang makapuntos ang mga pambato ng Malaysia sa best-of-five kontra mga Pinoy pero hindi ito naging sapat para magtuloy-tuloy ang kanilang tagumpay. Agad bumwelta ang Trundle ni Retance, Ahri ni Soriano, at Jhin ni Tapang para maitabla ang serye.
Hindi na nagpa-awat ang SIBOL sa mga sumunod na mapa. Nakapasok sila sa gold medal match matapos dispatsahin ang Malaysia sa iskor na 3-1 para harapin ang Vietnam, na tinuturing higante sa eksena ng laro.
Binubuo ang koponan ng Vietnam ng mga manlalaro mula sa GAM Esports, ang hinirang na kampeon sa Vietnam Championship Series Spring 2022. Kaya’t nang magharap ang dalawa sa grand final, hindi nabigong patunayan ng host country ang mataas na pagkilala sa kanila.
Nawalis ang Pilipinas sa best-of-five serye, dahilan para mag-uwi ang SIBOL League of Legends ng pilak, ang ika-apat na medalya ng bansa mula sa esports category.
Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa League of Legends, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Sibol CrossFire pumitas ng silver medal sa 31st SEA Games