Last pick Shaco para kay Seo “Kanavi” Jin-hyeok ang ipinanggulat ng JD Gaming sa Team WE nang magharap ang dalawa noong ikalimang linggo ng 2021 LPL Summer Split.
Matapos matalo kontra Edward Gaming noong ikatlong linggo ng kasalukuyang split, sunod-sunod na ang naging panalo ng koponan. Mas pasok na sa meta ang kanilang mga draft, pero hindi pa rin nawawala ang tatak ng JD Gaming.
Shaco: patok sa solo queue, etsa-puwera sa LPL
Bago ang laban na ito, hindi na-pick si Shaco kahit isang beses sa lahat ng major regions ngayong Summer split. Sa kaso naman ng LPL, 2,527 na araw na ang lumipas simula noong huling mamataan ang nasabing champion.
Bagamat sikat sa solo queue, maraming napatunayan ang hindi pagpapakita ni Shaco sa professional play. Malakas na ganker ang naturang champion dahil sa invisibility na binibigay ng Deceive at crowd control mula sa Jack in the Box nito. Isa rin siya sa mga champion na malakas mag-snowball lalo na pag maagang tumaba.
Sa huling League of Legends patch 11.14, na-nerf sa ikatlong beses ngayong season ang champion dahil, ayon sa Riot, “Jungle Shaco is simply very strong.”
Pero mas mahirap paganahin ang Demon Jester pag dating sa pro play, kung saan mas pulido ang paglagay ng mga ward sa camps at mas magaling ang pag-track ng pathing ng mga jungler. Hindi rin nakakatulong na mas pasok sa meta sina Diana, Xin Zhao, at Viego.
Sa kabila ng lahat ng ito, nagtiwala pa rin ang JD Gaming sa kakayahan ni Kanavi na mangibabaw bilang Shaco.
Swak sa playstyle ng JD Gaming ang Shaco ni Kanavi
Dahil crucial ang pag-setup ng mga Jack in the Box sa mga camps bago mag-spawn, tama sana ang ginawa ng Team WE na i-invade ang raptor camp.
Pero one step ahead na ang JD Gaming kaya agad sila nakaresponde. Ligwak agad sa bakbakan ang Diana ni Jiang “beishang” Zhi-Peng pati na rin ang Leona ni Lou “Missing” Yun-Feng matapos mahuli ng Death Sentence ng Thresh ni Zuo “LvMao” Ming-Hao.
Wala pang limang minuto ang lumipas nang ang Camille naman ni Chen “Breathe” Chen ang mabiktima ni Kanavi. Ni hindi nga ganon kalalim ang kanyang posisyon pero napitas pa rin siya ng Shaco.
Bagamat hindi kasing linis katulad ng inaasahan ang naging execution ng JD Gaming, hindi pa rin nila nabitawan ang kalamangan sa gold at objectives. Naipako nila ang panalo sa matapos ang isang bakbakan sa mid lane bandang 35-minuto ng laban.
Dahil sa kanyang impact sa early game at kill participation na umabot sa 72.7%, binansagan bilang “Man of the Rift” si Kanavi.
Bilang isang koponan na sumasandal sa kanilang star jungler upang manguna sa tempo, experience, at gold, habang naghahanda para sa late game ang kanyang mga carries, swak sa playstyle ng JD Gaming si Shaco. Mabuti rin na nakapag-snowball sila mula sa level one, kung hindi ay mapa-punish sana sila sa mga team fights pag lalim ng laban.
Nang tanungin tungkol sa kanyang performance sa post-match interiew, ayon kay Kanavi, “I played Shaco a few games in solo queue, and the results weren’t bad. During scrims, I tried it twice, so much so that the opponents banned him.”
“I feel that this champion isn’t bad, so I picked him,” dagdag niya.
Sa tulong ng Shaco ni Kanavi, nawalis ng JD Gaming ang Team WE upang umakyat sa ika-apat na pwesto ng standings.