Matapos ang limang taon, namaalam na sa European League of Legends scene ang Schalke 04 Esports.

Schalke 04 Esports ibinenta ang LEC slot

Hindi na muna makakapagpamalas pa ng miracle runs ang Schalke 04 Esports matapos nitong opisyal na ianunsyo ang kanilang pag-alis sa League of Legends European Championship (LEC).

Napilitang ibenta ng esports organization ang kanilang LEC slot dahil sa “massive financial consequences” na dulot ng COVID-19 pandemic, pati na rin ang pagpapakawala ng football club nito, ayon kay Tim Reichert at Claudio Kasper, Managing Directors ng Schalke 04 Esports.

Naibenta ng organisasyon ang kanilang slot sa Swiss esports club na Team BDS sa halagang US$31.5M.

Schalke 04 Esports sa LEC
Credit: LEC

Sinigurado naman ni Reichert sa kanilang mga taga suporta na ang pagbaba nila sa European league ay hindi nangangahulugan sa tuluyan nilang pagkakabuwag. Patuloy pa rin silang magkakaroon ng efforts sa esports bagamat, “less internationally and more domestically focused.”

“A decision will be made in the coming weeks and months about how things will look in 2022,” dagdag pa ni Reichert.

Ipagpapatuloy ng Schalke 04 Esports ang kanilang kampanya sa 2021 LEC Summer Split hanggang Agosto. Pagdating naman ng Setyembre, magiging free agents na ang kanilang mga manlalaro.

Ang buong roster ng Schalke 04 Esports:

  • Top lane: Sergen “Brokenblade” Çelik
  • Jungle: Thomas “Kirei” Yuen
  • Mid lane: Ilias “NUCLEARINT” Bizriken
  • Bot lane: Matúš “Neon” Jakubčík
  • Support: Dino “LIMIT” Tot
  • Erberk “Gilius” Demir (substitute player)

Team BDS magde-debut sa LEC 2022 Spring Split

Credit: Team BDS

Magde-debut ang kampeon ng 2020 LFL Division 2 sa major European league sa susunod na taon habang patuloy ang kanilang kampanya sa French league.

“BDS will operate as [a] core member [of the] LEC,” ulat ng official press release ng Team BDS.

Bukod sa League of Legends team nito, may competitive roster din ang organisasyon sa Rocket League at Rainbow Six Siege.

Ito na ang pangalawang beses na may nag-buyout ng slot sa rehiyon ng Europe at North America. Noong nakaraang dalawang taon, ibinenta ng Echo Fox ang kanilang LCS slot sa Evil Geniuses upang masunod ang corrective action na idinemanda ng liga.