Nasaksihan sa League of Legends Mid-Season Invitational (MSI 2022) ang isang malupit na championship series sa pagitan ng Royal Never Give Up ng LPL at T1 ng LCK.

Isang marka sa kasaysayan ang nakasalalay para sa dalawang maalamat na organisasyon dahil pareho silang nag-aasam na makuha ang kanilang ikatlong titulo sa MSI. May tsansa rin ang RNG na makakuha ng back-to-back titles dahil nanalo sila noong nakaraang taon.

Parehong nagdomina ang dalawang koponan sa mga naunang bahagi ng international tournament matapos lumabas na undefeated sa Group Stage at kuhain ang first at second place sa Rumble Stage. Nagtuloy ang kanilang mainit na takbo sa Knockout Stage kung saan winalis nila ang kanilang mga kalaban sa semifinals.

Bagamat napipisil ang T1 na itaas ang tropeo sa kanilang home turf na Busan, South Korea, handa ang RNG na depensahan ang kanilang titulo at umangat na back-to-back kings ng MSI.


Tinanghal ang Royal Never Give Up na MSI 2022 champions sa tulong ng Lissandra ni Xiaohu

Xiaohu ng Royal Never Give Up
Credit: Riot Games

Umabot ang serye sa winner-takes-all Game 5 kung saan nag-draft ang Royal Never Give Up ng halos parehong team composition mula sa unang laro. Nagbalik sila GALA at Bin sa Tristana at Gwen pero ipinalit ni Xiaohu ang tank galio para sa isang mage Lissandra na dagdag sa damage output ng koponan pero hindi napabayaan ang crowd control.

Sa 24-minute mark, pinangunahan ni Xiaohu ang pagragasa ng RNG sa title-winning team fight. Matapos makadikit gamit ang Glacial Path, in-stun ng Lissandra player ang Jhin ni Lee “Gumayusi” Min-hyeong gamit ang Frozen Tomb sa ilalim ng mid inhibitor tower ng T1. Agad nag-follow up ang RNG at na-secure ang kill gamit ang burn mula sa red buff ni GALA.

Hawak ang 5v4 man advantage, kabi-kabila ang pag-lockdown ni Xiaohu sa mga kalaban gamit ang Glacial Path at Ring of Frost combo. At kapag may na-root na siya gamit ang Ring of Frost, walang kagatol-gatol na pinupuksa ng RNG ang nahuhuli.

At pagkatapos ang iselyo ang ace sa base, dinurog na ng Royal Never Give Up ang Nexus ng T1 para hiranging kampeon ng MSI 2022.

Credit: Riot Games/Getty Images

Kasama ng tropeo, inuwi rin ng Royal Never Give Up ang US$75,000 at gumawa ng kasaysayan bilang unang koponan na nakasunggab ng tatlong MSI titles. Sila rin ang ikalawang grupo na naging back-to-back champs, sunod sa T1.

Sunod na target ng RNG na dominahin ang LPL summer season para sa tsansang makapasok sa LoL World Championship.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa LoL news, guides at highlights.


Base ito sa artikulo ni Joseph “Jagwar” Asuncion ng ONE Esports.