Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng League of Legends Professional League, hindi lang 17 koponan mula sa China ang pangangalagaan nito, dahil nagkupkop din ang liga ng isang giant panda.
Sa kabila ng araw-araw na pagdadaos ng mga laban sa kasalukuyang Summer Split, nagawa ng LPL ang desisyon upang isulong ang kanilang pagsuporta sa wildlife preservation.
Kilalanin si “Meng Meng” ang giant panda na kinupkop ng LPL
Meng Meng ang pangalan ng giant panda na kinupkop ng LPL. May timbang itong 54 kilograms at ngayo’y naninirahan sa Dujiangyan Panda Base malapit sa kabisera ng Chengdu sa probinsya ng Sichuan, na makikita sa kanlurang bahagi ng China.
Ayon sa non-profit organization na Pandas International, may lawak na 51 hectares ang Dujiangyan Panda Base at nababalot ito sa bamboo forest. Meron ding ospital para sa mga panda.
“We will keep an eye on Meng Meng’s healthy growth. We can ensure the Giant Panda’s preservation and protect nature together,” tweet ng LPL.
Natanggal na sa listahan ng mga endangered species ang mga giant panda ayon sa World Wildlife Fund, ang mismong hayop sa logo nito. Simula noong dumami na ulit ang bilang ng mga ito, sinabi ng International Union for Conservation of Nature noong 2016 na “vulnerable” na ang status nito.