Maaari mo nang masubukan ang iyong kakayahang mamuno ng isang esports team salamat sa LoL Esports Manager, ang bagong mobile game na ilalabas ng Riot Games.

Ano nga ba ang LoL Esports Manager?

Ginawa ng Riot Games ang mobile game para sa mga fans ng League of Legends Pro League (LPL). Tatawaging LoL Esports Manager, ang mobile game ay magiging simulation o strategy game kung saan aatasan ang mga manlalaro na humawak ng isang koponan mula sa Chinese league.

Ayon sa blog post ng Riot, saklaw ng laro ang pagma-manage ng strategy selection, pre-match bans at picks, pati na rin ang paggawa ng mga bagong roster at mga off-season matches.

LoL Esports Manager poster
Credit: Riot Games

Magkakaroon ng dalawang game modes ang laro: single story mode at ranked play, kung saan maaaring makipaglaban sa mga kaibigan.

Ayon sa mga poster ng laro, naka-categorize ang mga LPL players bilang Super Rare (SR) at Super Super Rare (SSR), isang aspeto na puwedeng maihalintulad sa mga Japanese gacha game.

Hindi pa inilalabas ng Riot Games ang buong listahan ng mga LPL teams at mga manlalarong kasama sa LoL Esports Manager, pero asahan sina Li “Flandre” Xuan-Jun, Worlds 2019 champions Gao “Tian” Tian-Liang, Zhuo “knight” Ding, Yu “JackeyLove” Wen-Bo, at Shi “Ming” Sen-Ming, na nasa posters.

Kailan ilalabas ang LoL Esports Manager?

Nakatakda sanang ilabas ng Riot Games ang LoL Esports Manager noong nakaraang taon matapos itong iannunsyo sa ika-10 anibersaryo ng League of Legends.

Bagamat na-delay, inaasahang malapit nang mailabas ang laro sa China matapos itong ma-approve ng video game regulator ng nasabing bansa, ayon sa Niko Partners analyst na si Daniel Ahmad.

Nagbabalak din ang Riot Games na idagdag pa ang ibang liga ng laro, pati na rin mga manlalaro nito, sa malapit na hinaharap.

Ang LoL Esports Manager ang ika-apat na mobile game ng nasabing game developer matapos ang Legends of Runeterra, Teamfight Tactics, at League of Legends: Wild Rift.