Naging creative ang hari ng League of Legends Champions Korea (LCK) na T1 sa kanilang pinakabagong challenge sa kanila ng BMW na pinamagatang “Pimp My Rivalry”.

Sa Pimp My Rivalry, ang mga partner esports teams ay nakikipag-collaborate sa mga kilalang artists upang disenyuhan ang BMW ng kanilang koponan. Ang mga pinal na disenyo ay ilalagay sa BMW Esports Twitter kung saan pwedeng makaboto ang fans para sa pinakamagandang car wraps.

Para sa bagong BMW iX1 ng T1, ang LCK powerhouse squad ay nakipagtulungan sa Korean artist na si Sambypen. Sinimulan niya ang kanyang karera sa paggawa ng graffiti art noong siya’y high school at ilang beses pa ngang naaresto dahil dito.


Nakipag-collaborate ang T1 kay Korean artist Sambypen para sa kanilang BMW design

T1 kasama si Sambypen
Screenshot ni Joseph Asuncion/ONE Esports

Sa video, nagkaroon ng mabilis na brainstorming session ang koponan kasama ang artist at pinag-usapan nila ang mga inisyal na plano para sa aktwal na car wrap.

Nais ni ADC Lee “Gumayusi” Min-hyeong na ilagay ang red at black team colors sa anyong apoy sa disenyo ngunit hindi ito masyadong kinagiliwan ng kanyang mga kakampi ang paglagay ng flame pattern. Nagbiro pa nga si Sambypen na nagdidisenyo si Gumayusi ng sarili niyang kotse.

Tinalakay din ng koponan ang pagdagdag ng mga partikular na hayop sa disenyo. Iminungkahi ni Sambypen na maglagay ng inosenteng imahe para i-underestimate sila ng kanilang mga kalaban. Naisip ni support player Ryu “Keria” Min-seok ang Pomeranian dahil nirerepresenta umano nito ang pagtingin sa kanya ng mga tao.

Salungat naman nito ang suhestiyon ni jungler Moon “Oner” Hyeon-joon na nagbanggit sa hayop na tigre. Sinabi niya na ang ideyang ito ay nanggaling sa kanyang alma mater na Dongshin High School na gumagamit ng tigre bilang mascot.


Ang final design ng BMW ng T1

Tampok sa final design ni Sambypen ang collage ng LoL-inspire graffiti doodles kasama ang mga pangalan ng limang manlalaro.

Kita rin ang bagong wavy look ng T1 logo sa front doors habang nilagay naman ng artist ang “20-0” sketch malapit sa fuel tank, isang reference sa kanilang perpektong kampanya sa 2022 LCK Spring Split.

Nakuha ni Oner ang kanyang hiling sa pamamagitan ng red tiger stripes habang ang Pomeranian ni Keria ay napalitan ng broken heart. Bagamat hindi nakasama ang apoy ni Gumayusi, ang pangalan naman niya ay pinaresan ng Jinx-inspired rocket. Na-highlight din si top laner Choi “Zeus” Woo-je sa pamamagitan ng lightning strike graphic malapit sa kanyang pangalan.

Siyempre, ang pangalan ni three-time world champion Lee “Faker” Sang-hyeok ay nilagay sa hood ng kanilang BMW, na pinalamutian ng korona, halo at LoL trophy—isang swak na imahe para sa greatest LoL player of all time.

Pwede niyong panoorin ang opisyal na video sa ibaba:



Basahin ang orihinal na artikulo ni Joseph “Jagwar” Asuncion ng ONE Esports.