“Beautiful,” sulat ng T1 content creator at League of Legends analyst na si Nick “LS” De Cesare sa Twitter, bilang paunang reaksyon niya sa Anathema’s Chains nang ilabas ito noong mga nakalipas na linggo.

Kasabay ng Hullbreaker, ang Anathema’s Chains ang bagong item na pinakilala ng Riot Games sa patch 11.13.

Nagustuhan din ito ni YouTube content creator Skooch at pinasalamatan si Riot para sa “anti-smurf item we’ve all been waiting for”. Pero ayon naman sa Lead Designer ng Riot na si Jeevun Sidhu, hindi lang basta counter laban sa pinakamalakas na kalaban ang bagong item kung hindi pati na rin sa split-push champions.

Ito ang mga dapat mong malaman tungkol sa Anathema’s Chains:


Anathema’s Chains stats at effects

Base stats

  • Total cost: 2500 gold
  • Build path: Giant’s Belt + Kindlegem + 800 gold
  • Health: 650
  • Ability Haste: 20

Effects

  • Vow (active): Pumili ng Nemesis para magsimulang bumuo ng Vendetta sa loob ng 60 segundo. May global range, dapat gamitin sa labas ng laban, at puwedeng gamitin habang patay (90 second cooldown).
  • Vendetta: Ang damage na iyong matatanggap mula sa napiling Nemesis target ay mababawasan ng 1% kada stack ng Vendetta. Magisisimula ang damage reduction sa 0% at papatong hanggang 30% sa loob ng 60 segundo.
  • Vengeance: Pag naka-max stacks, may 20% reduced tenacity ang Nemesis target mo habang malapit sayo.
Anathema's Chains weilder Ornn
Credit: Riot Games

Isa sa mga bagay na dapat mong malaman tungkol sa Anathema’s Chains ay hindi lang ito basta tank item, pure HP item din ito. Ibig sabihin, ang mga champion na may kakayahang maglapat ng true damage ay maaaring kontra pa rin sa iyo.

Sa kabilang banda, maganda pa rin ang dagdag 20 ability haste para sa mga tanks at supports na kayang gumamit ng higit isang crowd control abilities sa mga team fight.

Madali lang din gamitin ang active effect nito. Katulad ng Knight’s Vow at Zeke’s Convergence, kailangan mo lang pumili ng champion na kakapitan nito. Ang kaibahan lang ay dapat out of combat mo gagawin at sa kalabang champion.

Pero tandaan na hindi magiging effective na i-rebind ang Anathema’s Chains nang paulit-ulit dahil sa mga stacks nito. Makakakuha ka lang ng damage reduction at maximum 20% reduced tenacity laban sayo sa loob ng 60 segundo—bagay na hahadlang sayo para magpalit-palit ng target.

Gaano nga ba ka-effective ang Anathema’s Chains bilang tank item?

Anathema's Chains weilder Alistar
Credit: Riot Games

Sa halagang 2,500 gold, sulit na ang Anathema’s Chains para sa mga solo laners at supports. Ito rin ang ikalawa sa pinakamataas na single health item (+650 health) sa laro, sumunod sa Warmorg’s Armor (+800 health).

“The health per gold is maybe the highest in the game,” sabi ni LCS caster and League of Legends content creator David “Phreak” Turley sa kanyang patch 11.13 rundown.

Ayon sa kaniyang analysis, kahit na bubuuin mo ang Anathema’s Chains para lang sa health at ability haste nito, kahit pa hindi ka na mag-stack ng Vendetta at Vengeance, aabot pa rin sa 89% ang efficiency nito. Kung makuha mo naman ang max stacks, papalo naman sa 117% gold efficiency ng naturang item.

Kelan ka dapat bumuo ng Anathema’s Chains at kani-kaninong champion?

Sa kanyang rundown sa item, naniniwala si LS na hindi ito dapat buuin sa bawat laro.

“Having dozens of unique niche items in the game to allow ‘item-skill-expression’ for people truly thinking about game state/opponent comp/etc,” tweet ni LS.

Ayon naman kay Phreak, ito ang ilan sa mga scenario kung saan magagamit nang husto ang Anathema’s Chains:

  • Kung may kalaban ka na split-pusher tulad ni Tryndamere
  • Kung support ka at may kalaban kayong tumaba, maaring effective na first item ito. Kadalasan kasi ay hindi na nabubuo ng mga support ang kanilang secondary items matapos bilhin ang core item.
  • Kung AD carry ka at may katapat ka na assassin, katulad ni Talon; kailangan mong timbangin kung sulit ba ang 30% damage reduction kumpara sa alternatibong item gaya ng Guardian Angel.