Malawak ang Runeterra. Sa 155 champions ng League of Legends, maraming istorya at kaalaman ang pwedeng galugarin.

Mayaman sa kwento ang League of Legends universe. Ang iba ay maikli, may iba naman ay sobrang detalyado, pero isa lang ang sigurado – magugustuhan mo ang mga kwento sa League of Legends.

Narito ang limang champions na may pinakamagagandang kwento sa buong Runeterra.


Hindi gawa-gawa ang kwento ni Fiddlesticks

LeagueofLegends Fiddlesticks Rework SplashArt
Credit: Riot Games

Si Fiddlesticks ay isang demonyo na nangongolekta ng takot ng kanyang mga kalaban. Ang demonyong ito ay nag-aanyong scarecrow, matiyagang naghihintay sa sa kabukiran ng Demacia para takutin ang sinumang hindi mapalad namapapadaan.

Ayon sa mga taga-Demacia, ang kwento ni Fiddlesticks ay gawa-gawa lamang para ipanakot sa mga bata.

Subalit totoo si Fiddlesticks, at nagtatanim sya ng takot sa sinumang hindi naniniwala sa kanya. Ang demonyo ay isang nilalang na sa sobrang banyaga ay sumasalungat sa lahat nang makabagong kaalaman tungkol sa mahika sa Runeterra, ayon sa opisyal na kwento ni Fiddlesticks.

Bukod kay Fiddlesticks, meron ding ibang mga demonyong may sariling kwento sa League of Legends. May kaugnayan ang mga champions tulad nina Nocturne at Evelynn, na sinasabing kumakatawan sa mga masasamang nilalang sa Runeterra.

Si Fiddlesticks ang demonyo ng takot, si Evelynn ang demonyo ng sakit, at si Nocturne naman ang demonyo ng mga bangungot.


Si Braum ang malaking tao na may malaking puso

LeagueofLegends Braum
Credit: Riot Games

Si Braum ay isang bayani na nagmula sa malamig na bayan ng Freljord sa Runeterra. Kilala sya sa kanyang tapang at mga dakilang gawa.

Nung sya ay binatilyo pa, nakilala si Braum sa buong Freljord dahil sa kanyang kabayanihan, kung saan iniligtas nya ang mga bata sa nagyeyelong bangin, at ipinagtanggol ang mga manlalakbay mula sa mga mapanganib na halimaw.

Mayroong kwento sa League of Legends kung saan iniligtas ni Braum ang isang batang lalake mula sa isang nagyeyelong kulungan, ngunit hindi nya mabuksan ang malaking pinto nito. Sinuntok nya ang matigas na bato at yelo para sirain ang pinto at mapakawalan ang nakakulong na bata.

Ang Freljord ang pinakamalamig na lugar sa Runeterra, pero pinag-iinit ito ng kabaitan ni Braum sa mga mamamayan. Habang dumadami ang mga kwento ng kanyang pakikipagsapalaran, untiunting naging alamat si Braum, isang bayani ng mga mamamayan ng Freljord.


Ang Shurima ay minsang nagbigay karangalan sa Runeterra, ayon kay Azir

LeagueofLegends AzirSplashArt
Credit: Riot Games

Ilang libong taon na ang nakakalipas, noong kapanahunan ng emperyo ni Shurima sa Runeterra, ninais ni Azir na maging kapantay ang mga diyos.

Pinalawak ng emperador ang kanyang emperyo, isang mayaman at malakas na kaharian. Sa tugatog ng emperyo ng Shuriman, tinangka ni Azir na gawin ang ritwal ng Ascension sa kanyang sarili upang maging isang makapangyarihang diyos.

Subalit sa kanyang pinakadakilang sandal, si Azir ay pinatay ng kanyang pinakamalapit na tagapayo, ang shaman na si Xerath. Mula noon, muling nagkatawang-tao si Azir bilang isang demigod, at ninanais na muling bawiin ang mga maluluwalhating araw ng kanyang emperyo.


Ang kwento kung paano naging puno si Ivern

LeagueofLegends Ivern
Credit: Riot Games

Si Ivern ay kaibigan ng lahat nang nabubuhay sa kagubatan. Gayunpaman, hindi sya dating palakaibigan ayon sa mga kwento sa League of Legends.

Noong unang panahon, si Ivern ay isang mabalasik na mandirigma na may matibay na kalooban at di matinag na determinasyon. Tinangka nyang agawin ang isang sinaunang kapangyarihan na nakatago sa liblib na gubat ng Ionia.

Naniniwala si Ivern na matutulungan sya ng kapangyarihan ng gubat sa pakikipaglaban sa Iceborn, kasama dito ang mga kampeon ng Freljord na sina Ashe, Braum, Sejuani, at iba pa.

Nang mahanap ni Ivern ang pinagmumulan ng kapangyarihan, lumaban ang kagubatan at pinuluputan sya ng kahoy at dahoon na sumira sa kanyang katawang tao.

Sa sandaling iyon, isang malalim na boses mula sa gubat ang sumagip kay Ivern, at tinuruan sya ng mga aral tungkol sa pakikiramay at pagpipigil. Kinalaunan, ang bantog na mandirigma ay naging isang palakaibigang puno.


Ang pinagmulan ni Jinx

LeagueofLegends Jinx
Credit: Riot Games

Bago maging isang baliw na kampeon, si Jinx ay isang mabuting bata. Sa kanyang kabataan, mahilig na sya magkumpuni ng mga bagay-bagay ngunit ang kanyang mga ideya ay masyadong malaki para sa Piltover, ang City of Progress.

Gayunpaman, sumikat ang kanyang mga eksperimento at imbensyon sa undercity district ng Zaun. Kilala bilang City of Iron and Glass, ang Zaun ay mas liberal at mas bukas sa pagbuo ng makabagong teknolohiya kumpara sa lungsod ng Piltover kung saan mas kontrolado, ligtas, at makatao ang mga eksperimento.

Sa paglipas ng panahon, ipinakita ni Jinx ang bunga ng kanyang pagsisikap sa pamamagitan ng pag-prank sa mga tao sa Piltover. Ang kanyang mga kapilyuhan ay nag-iiba mula sa mga simpleng biro hanggang sa mga mararahas na gawain. Di naglaon ay naging banta na sya sa lungsod.

Hanggang sa araw na ito, si Jinx ay patuloy na tinutugi ng mga taga-Piltover na sina Vi at Caitlyn.

Marami pang maibubunyag tungkol sa kwento nina Jinx at Vi sa paparating na Netflix anime series na “Arcane”. Ang Arcane anime ng League of Legends ay eksklusibong ipapalabas sa Netflix sa huling parte ng taong 2021, sa pagitan ng September hanggang November.