Hatid sa inyo ng kasama ang Samsung.
Kung sa basketball ay may First hanggang Fourth Quarter, mayroon ding stages ang isang professional na Mobile Legends game. Ang kaibahan nga lang, hindi siya naka-set—sa basketball ay tig-dose minutos ang bawat quarter, pero sa MLBB, hindi sinabi ng game mismo ang oras kung kailan magkakaroon ng phases ng bawat laro.
Sa pagdaan din naman ng panahon, nagkaroon ng iba’t-ibang paningin ang mga tao sa kung ano ba talaga ang Early Game, kailan nga ba ang simula ng Late Game, at bakit nga ba kailangang pag-usapan ang Mid Game. Dahilan sa pag-develop ng Moonton sa Mobile Legends, at sa pagdagdag nila ng mga importanteng timers sa in-game, halos established na ngayon ang mga oras ng Early, Mid, at Late Game.
Heto ang eksplanasyon ng Early, Mid, at Late Game, at kung ano ang kahalagahan ng pag-intindi ng stages ng Mobile Legends game.
Bakit kailangang malaman ang stages ng Mobile Legends game?
Ang bawat hero sa Mobile Legends ay may sariling “power spike” o tinatawag na “timings”. Ang pinakasimpleng explanation nito ay bawat hero ay may oras kung saan sila pinakamalakas: sa isang mage katulad ng Eudora, kaya nitong pumunit ng heroes sa Early Game kung saan mababa pa ang HP ng mga kalaban. Pag dumating sa punto na makunat na ang mga hero, hindi na kayang i-burst ng Eudora ang mga hero na may items, pero ang isang marksman na katulad ng Claude (na mahina sa early game) ay walang problema sa pag-output ng damage sa Late Game. Power Spike, kumbaga, ng Claude ay ang Late Game.
Lalabas din sa diskusyon na ‘to ang salitang “scaling”, isang Esports term na kadalasang maririnig sa mga Multiplayer Online Battle Arena (MOBA) games katulad ng Mobile Legends at Dota 2. Ang scaling ay related sa power spike at timing: isang panukat ng lakas sa Late Game ng isang hero ang scaling, kung saan, ang mas mataas na scaling na hero ay mas lumalakas habang tumatagal ang laro.
Dahil ang bawat hero ay may kaniya-kaniyang power spike, ang isang composition ng limang hero sa 5v5 na setting ay may sarili din namang scaling. Dahil sa pagsasama-sama ng mga hero, malalaman natin ngayon kung saan sila malakas: may aggressive teams na malakas sa early game, may teamfight-based teams na namamayagpag sa mid game, at may mga four-protect-one compositions na magtitiis hanggang umabot sa late game kung saan hindi na kaya ng scaling ng kabilang team ang sarili nilang scaling.
Importanteng intindihin ang stages ng Mobile Legends game para makatulong sa pag-intindi ng bawat composition at ng tinatawag na win condition. Hindi porke ay hawak mo na ang paborito mong Claude ay pakiramdam mo’y matatapos mo na ang laro sa loob ng 12 minutes. Di porke ay sobrang lakas na ng Thamuz Jungle mo’y okay lang sayo na patagalin ang laro. Lahat ng ‘yan ay mas maisasapuso mo kung mas naiintindihan mo ang bawat stage ng laro.
At syempre, mas madali mo ring maiintindihan ang mga laro sa MPL sa paborito mong team.
Ano ang Early Game Stage sa MLBB
Nagkaroon ng patch ang Mobile Legends ilang taon na ang nakalipas kung saan ang Turtles ay titigil na sa pag-spawn hanggang 8 minutes. Marami na ring mga ML analysts at coaches na sumasang-ayon na bago ang 8-minute mark, ito ang maco-consider na Early Game. Ito ang una sa tatlong stages ng Mobile Legends game.
Maari ding hatiin ang Early Game sa dalawang stages: ang laning stage at ang post-laning stage. Simula nang magkaroon ng Outer Turret Energy Shields (OTES) sa unang limang minuto ng laro, nagkaroon ng estado kung saan nakatambay ang mga players sa kanilang assigned na lane para depensahan ng maigi ang kanilang tore, o kaya nama’y basagin ang OTES ng kalaban. Nagkaroon din naman ng “special minions” ang bawat sidelane: sa unang mga waves sa sidelanes, may extra EXP cannon sa EXP Lane, at extra Gold cannon sa Gold Lane. Ang naging resulta nito ay ang pagkakaroon ng proper na laning stage sa laro, kung saan ginagalingan ng bawat laner ang pag-control nila sa kanilang mga minions upang maka-ungos sa kalaban.
Sa post-laning stage, kung saan wala nang OTES, kani-kaniyang diskarte na anag bawat team kung saan sila makakahanap ng unang push. Kasama pa rin ito sa early game sapagkat hindi pa sapat ang mga items ng ibang mga players upang mag-engage sa isang buong teamfight.
Ngunit sa buong early game, hanggang sa 8-minute mark, ang tunay na bakbakan ay nangyayari sa mga Turtle Fight. Dito na magkakasubukan ang mga teams at ang unang tatlong Turtle din ng laro ang magdidikta ng ekonomiya ng mga teams sa Early Game.
May mga heroes at hero matchups na malakas sa Early Game at layunin nila’y gumawa ng malaking diperensya sa overall gold sa simula pa lang ng laro. Dito mo rin maririnig sa mga pro player ang mga terms na “na-earlyhan kami eh”: ibig sabihi’y naungusan agad ng kalaban, sa early game pa lang, ang kanilang team at hirap na silang bumangon.
Ano ang Mid Game Stage sa MLBB
Matapos ang 8 minutes, magsisimula nang mag-spawn ang Lord. Sakto rin, sa 8 minutes, kung pantay ang laro, ang ekonomiya ng game ay kadalasang magbibigay ng: dalawang items para sa Gold Laner, dalawang items para sa Jungler, Isa’t kalahati sa EXP Laner at Mid Laner, at isang items sa Roamer. Ito ang perpektong timing para tawagin na Mid Game.
Simula sa Mid Game, hindi na tumatambay ang mga heroes sa isang lane, at halos hindi na rin nagpapakita ng matagal ang bawat player sa minimap, sapagkat sa Mid Game ang simula nag pag-control sa Lord area. Pagandahan na ng execution sa mga teamfights at pag-pwesto sa Lord Area.
Dito na nag-sisimula na mag-five man o four-man gank ang mga teams. May mga teams na gusto ng full 5v5 teamfights, at may mga teams naman na ang diskarte ay magpapa-bait ang EXP Laner sa kabilang parte ng mapa, habang sila nama’y nakatambay sa bush at hahanap ng pickoffs gamit ang conceal (sa instance na makakita sila ng kalaban na maaring pitasin).
Ang isang importanteng timer sa Mid Game ay ang Enhanced Lord: simula sa 12 minute mark, ang Lord na mapapatay ay mayroong special skill kung saan magda-dash ito sa unang tore nitong makita, at magdi-deal ng damage na katumbas ng higit-kumulang kalahating HP ng inhibitor Turret. Kayang tumapos ng laban nito kung magagamit ng tama.
Ang mga early-game at mid-game based na compositions at heroes ay pumipitik sa Mid Game, at sa mga Mid Game teamfights ay napakalaki ng impact ng mga ganitong klaseng strategies. Ang sikat na sikat na UBE Strategy ng Blacklist International, kung saan simula ng 7 o 8 minute mark ay tuluyan na silang magko-control ng mapa sa pagsasama bilang lima at sa dire-diretsong pag-push ng lahat ng mga lanes.
Pinaka-importanteng tignan sa Mid Game ay ang skirmishes at ganks na ginagawa ng teams, at ang pag-control sa mga Lord timings. Madalas hindi pinapansin ang importansya ng mid game kumpara sa ibang stages ng Mobile Legends game, ngunit may mga larong natatapos na dito pa lang. May mga teams rin na ang puhunan ay ang pag-control ng mid game.
Ano ang Late Game Stage sa MLBB
Pag patak ng 15-minute mark, ang Gold Laner ng bawat team ay tipikal na puno na ang items. Kadalasan din ay ang Junglers ay nagkakaroon na ng Limang full items at Boots. Ito na ang signos ng simula ng Late Game. Sa mga professional na matches gaya ng sa MPL, isa ito sa tatlong stages ng Mobile Legends game na tunay na tinututukan ng mga players/teams.
Sa late game, bihira ka nang makakakita ng mga players sa mapa. O kung makakakita ka man sa minimap, halos saglit na lang. Bakit? Dahil bawat impormasyon ay sobrang importante na, at ang pagkamatay ng isang player ay maaring ikatalo na ng mga team. Napakataas ng tsansang ma-burst ang isang hero, at napakatagal na rin ng respawn timers kaya ang isang death ay magbibigay sayo ng higit sa 45 seconds na death timer.
Pagdating ng 18-minute mark (kung saan ibang mga analysts ay kino-consider ang tunay na late game ay simula sa 18 mins), dadating na ang Evolved Lord, ang Lord na bukod sa mahirap nang patumbahin ay may extra pang poke damage dahil sa extra passive skill na nakukuha nito. Sobrang importante na makuha ang 18-minute Lord pataas dahil napakalaking advantage nito sa team na makakakuha.
Sa Late Game, pansinin na pinag-uusapan na rin palagi ang term na “wave clear”. Sakaling ma-dehado ang isang team sa isang teamfight, ang paraan para ma-depensahan ang base ng isang team ay gamit ang wave clear: kayang i-clear ng mga artillery mage tulad ng Yve at Pharsa, o kaya nama’y mga wave clear fighters tulad ng Benedetta at X.Borg, ang isang buong minion wave ng mabilis at ligtas upang bumili ng oras para sa kanilang team.
Importante rin sa Late Game ang pag split push at pag-control ng deadlane, bagay na palaging kinukuha ng mga EXP Laners tulad ng Esmeralda at Uranus. Ang deadlane ay kadalasang malalim na lane at kabilang side ng Lord spawn na hindi afford ng mga marksman o Jungler na mag-stay. Importante ang pag split push para gumawa ng lane pressure sa kalaban, at dagdag vision at impormasyon na rin para sa team.
Ngunit ang talagang hindi mawawala sa diskusyon ay ang “scaling” pag dating sa Late Game. Pagandahan ng scaling ang mga Gold Laner sa oras na ito. Bilang resulta, palupitan na ng position at execution ang mga Gold Laners sa teamfights, sapagkat sila ang main damage dealers na sa stage na ‘to ng laro. At syempre, pagalingan na rin ang mga teams sa pag-pitas sa gold laner ng kalaban, para makakuha ng matinding advantage sa mga teamfights.