Dalawang linggo pa lang ang nakakalipas sa Pokémon UNITE Asia Champions League 2023, ngunit napapansin na agad ng mga fans ang hindi pagpabor ng mga koponan sa Speedster type na Pokémon.

Karaniwang nilalaro sa central area, ang Speededsters ay mabibilis na Pokémon na maagang nagpi-peak at nagsisilbing backbone ng koponan sa early to midgame team fights. Sa kabila ng early game power nila, kakaunting Speedsters lang ang lumalabas sa eksena.

Sa eksklusibong panayam ng ONE Esports, tinanong namin si Wayne ‘ReBongs’ Chua mula sa Team MYS patungkol sa Speedsters at kung bakit kasalukuyan silang underused.


Liyamado ang All-Rounders kontra Speedsters sa halos lahat ng paraan

Credit: ©2021 Pokémon. ©1995–2021 Nintendo / Creatures Inc. / GAME FREAK inc. ©2021 Tencent.

Ayon kay ReBongs, maraming kinakaharap na isyu ang Speedsters kaya hindi sila kaaya-ayang picks. Madali silang parusahan kung maagang ma-knock out, kailangan ng makatwirang early game para maging kapaki-pakinabang, nahihirapan magbigay ng impact ‘pag nag-spawn si Rayquaza, at kulang sa mobility para gawin ang lahat na nakatali sa kanilang role.

Tipikal na pinakamalakas na Pokémon sa field ang Speedsters sa kasagsagan ng early game at dapat lang naman talaga na ganito sila.

“Speedsters excel the most in the early game. Especially when they hit level five and make plays,” paliwanag ni ReBongs.

Natural silang malalambot at kailangang ma-knock out ang kalabang Pokémon bago sila mahuli. Pinakakawawa ang Speedsters ‘pag nana-knock out dahil sa kanilang role, napakahalaga ng oras.

“Speedsters really struggle in those last two minutes,” wika niya.

Nawawala ang kanilang kinang sa late game at madalas na naa-outclass ng All-Rounders na mas maiging nag-i-scale sa levels at kayang tumangke, kaya naman hindi laging viable ang bakbakan.

Dala ng kung gaano kahalaga ang pagsiguro sa Rayquaza, mahirap iwasan ang harapan na kayang ipanalo ang isang losing game.


Si Dodrio ang best example ng kung ano dapat ang Speedsters, base kay MYS ReBongs

Dodrio, isa sa mga Speedster sa Pokémon UNITE
Credit: ©2021 Pokémon. ©1995–2021 Nintendo / Creatures Inc. / GAME FREAK inc. ©2021 Tencent.

Sa lahat ng Speedsters na available sa laro, pinupuri ni ReBong si Dodrio. Ito ang kasalukuyang most picked Speedster sa Pokémon UNITE Asia Champions League 2023.

“Dodrio is a real Speedster because he can roam the map quickly, score points and still make it back to the team for a fight.”

Sikat sa torneo, nakita na ng mga fans kung ano ang kayang gawin ng Pokémon na ‘to sa kamay ng isang highly-skilled player.

Bagamat mas maaga siyang nagpi-peak kumpara sa ibang Speedsters, ang natatanging abilidad nito na makapuntos at mag-isang i-pressure ang goal zones ang mga dahilan kaya siya mapanganib kapag nagsasagupaan ang mga koponan sa Rayquaza pit.

Sa huli, naipapanalo ang isang laro sa pamamagitan ng sumatotal na puntos, at hindi sa dami ng mga napangibabawang laban.



Panoorin ang mga laro nang live sa YouTube, Facebook, at Twitch stream ng ONE Esports.

Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Ito’y pagsasalin ng akda ni Danelie Purdue ng ONE Esports.