Nagbigay ng paalala ang general manager ng SIBOL na si Leo Andrew “Jab” Escutin para sa mga manlalarong nais magsilbi bilang kinatawan ng Pilipinas sa mga turneo ngayong taon.

Dahil sa dami ng mga palarong nakalinya ngayong 2023, gaya ng ika-32 Southeast Asian Games at ika-15 World Esports Championship ng International Esports Organization, inabisuhan ang mga manlalarong interesado na maging parte ng national esports team sa kanilang obligasyon.

Ang paalala ay nanggaling sa posibilidad na magkasabay-sabay ang mga multi-sport event at mga esports tournament na karaniwang idinaraos sa kahabaan ng taon gaya ng Dota Pro Circuit, Valorant Champions Tour, at Mobile Legends: Bang Bang Professional League.



Commitment ang pagsali sa mga national event qualifier, paalala ng SIBOL

May paalala ang SIBOL sa mga nais maging national esports athlete
Credit: ONE Esports

Sa isang liham na inilathala ng SIBOL sa kanilang opisyal na social media page, iginiit nila ang obligasyon ng pagiging national esports athlete.

“With the sheer number of National Events this year, we want to remind players that are registering to please keep in mind the dates of each National Event and the obligations they have to fullfil as Philippine Esports Athletes,” sulat ni Escutin.

Ngayong taon inaasahang iraos ang ika-32 SEA Games na nakatakdang ganapin sa Cambodia. Samantala, sa Nobyembre naman gaganapin ang ika-15 WEC ng IESF sa Iași, Romania. Kung pagbabasihan ang mga nakaraang turneo, hindi malabong sumabay ang mga national events na ‘to sa mga turneong kadalasang gumugulong kada season.

May paalala ang SIBOL sa mga nais maging national esports athlete
Credit: ONE Esports

 “We have to understand na… everybody that’s joining the qualifiers is actually trying to apply to be a national athlete,” paliwanag ni Escutin sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports.

Kahit posibleng hindi maging kinatawan ng SIBOL ang pinakamagagaling na manlalaro sa Pilipinas, naniniwala si Escutin na hindi ito dapat ituring bilang negatibo aspeto.

“For me ang dating noon it’s very positive. Bakit? It will give a chance for all the other aspiring esports athletes to join and to be represented,” giit niya.

Samantala, bukas ngayon ang player registration ng SIBOL para sa MLBB, PUBG Mobile, League of Legends Wild Rift, Crossfire, at sa kauna-unahang pagkakataon, VALORANT. Maaaring bumisita sa opisyal na Facebook page ng SIBOL para sa karagdagang impormasyon.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: OhMyV33NUS: Pagliban sa holiday celebrations kakabit ng ‘bigger sacrifice’ papunta sa ‘bigger goal’ sa M4