Nais ipagpatuloy ng mga kampeon ng Mobile Legends: Bang Bang na Blacklist International ang kanilang winstreak patungo sa Southeast Asian (SEA) Games ngayong taon sa Hanoi, Vietnam.
Pokus sa goal ang Blacklist International sa paparating na SEA Games ngayong taon
Sabi ng kanilang Head Coach na si Kristoffer “Bon Chan” Ricaplaza na pokus sila sa pagkuha ng gold medal sa international championships na ito, tulad ng kanilang pagsungkit ng panalo sa M3 World Championships noong nakaraang taon.
“Sobrang importante dahil buong Pilipinas na yung ni-rerepresenta namin, although na-try na namin ma-representa yung Pilipinas noong M3 [World Championship], and naging successful tayo, hopefully, magaya natin kung ano yung na-accomplish natin noong nag-represent tayo ng Pilipinas,” sabi ni Coach Bon Chan.
Pinangako naman ng head coach na pagbubutihin nila ang kanilang training lalo na’t dalawa sa kanilang team ay bagong pasok pa lamang dahil sa kasalukuyang patakaran ng Vietnam na 18 years old pataas lamang ang pwedeng lumahok sa esports event.
“Siguro ang masasabi namin ay sa ngayon pagbubutihan namin yung pag-eensayo muna dahil ‘di kami nagkasama-sama, and mga challenges siguro, ‘yun ay dahil meron kaming dalawang bago dahil nga sinusunod natin ang rules na itinalaga ng Vietnam so kumuha tayo ng dalawang bago and I guess kaya naman nila ma-overcome kung ano man ang mga pagsubok na haharapin nila,” ani ni Bon Chan.
Dahil sa age limit na patakaran ng Vietnam, hindi makakalaro ang dalawang stars ng MLBB scene—sina Kiel “Oheb” Soriano at Edward “Edward” Jay Dapadap sa SEA Games ngayong taon.
Plano naman ng MLBB pro team na patuloy na buuin ang kanilang chemistry bilang paghahanda sa esports event sa Hanoi.
“Una muna siguro yung mag-bonding muna sila dahil bago-bago lang sila nagkasama-sama sa bootcamp, so more on bonding experience muna bago natin mabuo yung ultimate bonding experience,” ani ni Bon Chan.
Nagwagi ang Blacklist International sa pagiging representatives ng Pilipinas matapos nilang talunin ang Nexplay EVOS sa 2022 Sibol Mobile Legends National Team Selection noong January 30.
64 na Pinoy delegates ang lilipad sa Hanoi, Vietnam para sa paparating na SEA Games ngayong taon. 55 ay esports athletes habang siyam ang coaches.
Gaganapin ang SEA Games ngayong May 12 hanggang May 23, 2022.
Sundan ang ONE Esports sa Facebook para sa karagdagang balita tungkol sa paparating na SEA Games.