Sa nagdaang Japan Fighting Game Publishers Roundtable, marami ang ginulat ng SNK nang mag-anunsyo sila ng surpresang DLC para sa King of Fighters XV kung saan kabilang ang isang bagong game mode at ang bagong fighter na si Omega Rugal.

Maaaring i-download ng lahat nang players ang libreng update sa April 14.

King Of Fighters XV Special Update
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports
Credit: SNK

Marami ang natuwa sa anunsyong ito dahil hindi kabilang si Omega Rugal sa mga DLC na inilabas para sa Season Pass One. Ang paglabas niya ay nakapagitan sa kalalabas lang na Team Garou at ang paparating na Team South Town sa May.

Sino si Omega Rugal?

King Of Fighters XV Omega Rugal
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports
Credit: SNK

Tulad ng ipinakita sa kanyang trailer, si Omega Rugal ay may taglay na lakas na kayang tumapat sa kahit na sinong trio nang mag-isa. Siya ang alternate version ng character na si Rugal, na unang lumabas sa King of Fighters ’94. Sa KoF lore, si Rugal ang nag-organisa ng unang King of Fighters tournament at humamon sa mananalong team upang labanan siya.

May nakakakilabot na dahilan si Rugal kung bakit niya ito ginawa bukod sa patunayan na ang kanyang husay at lakas. Gusto niyang idagdag ang mga katunggali sa mga patay na katawan ng kanyang mga kalaban na isinawsaw sa liquid metal upang maging mga kahindik-hindik na rebulto.

King Of Fighters XV Omega Rugal Release Date
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports
Credit: SNK

Ayon sa kwento ni Rugal, isa siyang arms dealer na uhaw sa kapangyarihan. Kabilang sa kanyang mga krimen ay ang pagpatay sa maraming Brazilian soldiers kung saan may natirang nag-iisang survivor, si Heidern.

Sa kabila ng lakas ni Rugal, nakatikim na rin siya ng talo bago pumasok sa tournament. Nakabangga niya ang final boss ng King of Fighters na si Goenitz na siyang ikinabulag ng isa niyang mata. Kapalit nito ay nakatanggap siya ng bahagi ng kapangyarihan ni Orochi, na dahilan kung bakit meron siyang taglay na lakas upang talunin ang kahit na sinong trio ng mga martial arts masters.

Boss Challenge sa King of Fighters XV

King Of Fighters XV Omega Rugal Boss Challenge
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports Credit: SNK

Hindi lang si Omega Rugal ang madadagdag sa bagong update. Ang bagong game mode na Boss Challenge ay lalabas upang pagdiriwang ng mga sikat na villains ng KoF, at bilang karagdagang content para sa mga players na nahihilig sa mga single-player modes.

Sa ngayon, tampok sa game mode na ito si Omega Rugal bilang “The CPU from Hell”. Ang mga players na makakatapos ng Boss Challenge ay maa-unlock ang bagong Strange Plateau stage, ang Omega Armor costume para kay Rugal, at isang bagong remix ng Conclusion R&D track.

Ang update na ito ay libre para sa lahat sa lahat nang platforms at magiging available sa April 14.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.