Hindi nakatanggap ng isang VCT 2023 partnership ang Shopify Rebellion, inanunsyo ng organisasyon sa Twitter.
Sinabihan ng Riot Games ang Rebellion na hindi na nila itutuloy ang kanilang application sa Valorant partnership program, isang matinding tama sa tsiyansa ng team na umaasa makalahok sa pinakamataas na tier ng pro Valorant.
Inaasahang tatlong international leagues ang makikita sa VCT 2023 circuit, at bawat liga ay may limitadong partnered teams na lalahok para makasali sa internatonal events tulad ng Masters.
Dumating ang desisyon ng Riot ilang linggo matapos kinuha ng Rebellion ang dating Luminosity Gaming roster na naganunsyo ng kanilang exit sa Valorant.
Patuloy na susuportahan ng Shopify Rebellion ang kanilang team para sa VCT NA LCQ
Inaasahang magkakaroon ng walo hanggang sampung teams ang Americas league ng Riot, at ang ibig sabihin nito ay iilang organisasyon ay maiiwan.
Binatikos ng Rebellion ang bagong model bilang isang “popularity contest for a woefully small number of team slots.” Bagamat isa sa pinaka-consistent teams ang dating Luminosity roster sa North American Valorant, hindi kasinglaki ng Sentinels ang kanilang fan base.
Sinabi ng organisasyon na intensyon nilang ipagpatuloy ang kanilang suporta sa lahat ng kanilang teams at players “in the same way we always have,” at ibabahagi nila ang kanilang mga plano sa Valorant ngayong summer.
Ang mga teams na hindi nakapasok sa international leagues ay maari pa ring makalahok sa mga domestic leagues tulad ng Challengers tournaments, ngunit wala silang direktang daan sa mga international LAN events.
Ayon sa isang report ng blix.gg, iba ang magiging patakbo ng pseudo-franchising system na ito sa mga ibang franchise ng Riot sa League of Legends. Habang ang mga teams na nasa mga liga tulad ng League Championship Series (LCS) ay mayroon nang kani-kanilang pwesto, ang Riot ang mamamahala ng mga pwesto na ito sa VCT.
Mabibigyan umano ang mga partnered organization ng four-year contract para makalahok sa mga liga, at magpapasya ang Riot sa katapusan ng panahon kung dapat ba na I-renew ang partnership o magdagdag ng panibagong teams.
Nakatakdang lumahok ang Shopify Rebellion sa VCT NA LCQ sa August, kung saan may pagkakataon silang mag-qualify para sa Valorant Champions.
“No partnership for SR is all good. It won’t stop us from trying our best in LCQ,” sinabi ni Brandon Michael “bdog” Sanders sa Twitter.
Hinikayat rin ng Rebellion ang Riot na maghanap ng “meaningful ways to support the broader ecosystem.” Ang panibagong partnership system na ito ay maaring magkaroon ng hindi magandang epekto sa mga teams at talent sa tinatawag nilang Tier 2 scene. Sa loob ng taong ito, umalis na ng Valorant ang mga organisasyon tulad ng Rise, Dignitas, at beastcoast.
Ang SoaR – isang team na dating naging tahanan ng mga players tulad nina Matthew “Cyrocells” Panganiban, Brenden “stellar” McGrath, at Alexander “Zander” Dituri – ang naging pinakabagong organisasyon na umalis sa competitive Valorant.