ECHO ang unang koponang makakaselyo ng upper bracket slot sa paparating na MPL Philippines Season 10 playoffs. Ito ay karugtong ng obra maestrang laro na ikinumpas nila kontra Nexplay EVOS na epektibong magtutulak sa kanila sa rurok ng regular season standings.
Kinailangan lamang ng Purple Orcas ng dalawang laro para isarado ang huling seryeng lalaruin ng Neon Tigers ngayong season. Bumida sa nasabing bakbakan ang sidelaners na sina Benedict “Bennyqt” Gonzales at Sanford “Sanford” Vinuya na sumungkit ng tig-isang MVP of the game gantimpala para ilista ang ika-sampung panalo ng koponan.
ECHO hindi pinayagang makaisa ang NXPE, Bennyqt at Sanford kumana
Inantabayanan ng fans ang reunion ng kasulukuyang ECHO roamer na si Tristan “Yawi” Cabrera at NXPE EXP laner na si Renejay “RENEJAY” Barcase ngunit hindi sa kanilang dalawa sumentro ang usapan sa kongklusyon ng unang mapa.
Ito ay dahil pasabog ang inihandog ni Bennyqt na hinawakan ang Bruno para kuhanin ang momentum ng serye. Ipinamalas ng ECHO gold laner ang sakit ng hagupit ng marksman matapos magpaulan ng halos 47k damage dealt kasabay ng 895 gold per minute.
Tumikada si Bagyong Benny ng halimaw na 8/2/4 KDA para tapusin ang laro bago ang 15 minutes, papunta sa nararapat lamang na MVP of the game gantimpala.
Kung bagyo ang sumalanta sa pag-asa ng Nexplay sa opener ay lutong naman ng mga bigwas ng Dyroth ni Sanford ang umalingawngaw pagdako ng game two. Karne sa ECHO EXP laner ang Esmeralda ni RENEJAY na muli’t-muli niyang binigyan sa laning stage, at epektibong nagbigay-daan para ma-take over ng 16-anyos ang laro.
Hindi na nagawa ng Neon Tigers na apulahin ang sangkatutak na damage at sustain ni Sanford na pumukol ng 5/1/3 KDA para maisardo ang serye sa parehong 15-minute mark.
Sa proseso, mas malaki na ang tiyansa ng ECHO na makuha ang numero unong spot sa regular season standings, bagamat hawak na nila ang unang upper bracket slot papunta sa playoffs. Samantala, tatapusin ng NXPE ang kanilang S10 kampanya ng may 2-11 kartada sa 7th place.
Manatiling nakasubaybay sa latest tungkol sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Coach BON CHAN at Wise nagbigay ng magandang mensahe para sa TNC