Magbabalik ang Toyota GR GT Cup Asia sa ika-29 ng Oktubre tampok ang 20 racers mula sa 7 koponan na magsasagupaan para sa tsansang ibandera ang Asia sa GR GT Cup Global Final 2022 sa Nobyembre.
Wala nang mas itataas pa ang nakataya dito, lalo pa’t isasagawa muli ang GR GT Cup Global Final bilang isang live tournament sa unang pagkakataon mula noong 2019 kung kailan ginanap ito sa Monaco, isang siyudad na hitik sa kasaysayan at tradisyon pagdating sa racing.
Siguradong magiging mainit ang kompetisyon, at kailangan ng mga racer na maghanda upang maging nasa pinakasolidong anyo sa pakikipag-gitgitan sa kompetisyon.
Sa 20 na pinakamagagaling na racer sa paparating na Toyota GR GT Cup Asia 2022, tutukan ang Malaysian racer na si Iqbal Suji, isang pamilyar na pangalan sa kompetisyon. Nagtapos siya sa 7th place noong nakaraang taon at 4th naman noong 2020. Sa ngayon, nag-iinit at tuloy-tuloy ang kaniyang pamamayagpag matapos pagharian ang Malaysia Toyota GR Velocity Championship.
Kinausap namin si Iqbal tungkol sa kompetisyon ngayong taon, paano siya naghahanda para sa torneo, at kung ano ang mga plano niya sa hinaharap.
Pagsisimula sa e-Racing
Ang pagmamahal sa sim racing ay madalas na katambal ng pagmamahal sa motorsport sa totoong buhay, at ganito rin para kay Iqbal. “Dati pa lang nabibighani na ko sa Formula 1 noong pinapanood ito ng tatay ko sa telebisyon,” kwento niya. “Ang kislap na ‘yun ay naging apoy noong patuloy akong naglaro ng racing games sa controller hanggang sa makalipas ay nakuha ko din ang sarili kong racing rig.” Pagkatapos noon, ang sumunod ay kasaysayan na.”
Para sa marami, maganda ang sim racing. Malapit na alternatibo ito sa totoong car racing at isa ring oportunidad para isabuhay ang mga pangarap na baka hindi matupad. Hindi naiiba si Iqbal, na naibahagi pa nga na “ang pagpasok sa tamang racing car ay isa sa mga pinakamalaking inaasam ko, ngunit ang local landscape ng kompetisyon ay hindi masyadong diverse kaya sumusubok ako ng mga paraan na makapasok.”
Nakalasap ng tagumpay si Iqbal ngayong 2022 sa pamamagitan ng pagkapanalo sa Malaysia national finals habang binabalanse ang nakakapagod na ensayo at huling taon ng kanyang pag-aaral.
Para sa mga gustong maging racer, ito ang payo ni Iqbal: “Laging tandaan na laging may mas mabilis kaysa sayo para itulak ang iyong sarili lagpas sa iyong hangganan, kahit pa hindi naniniwala ang iba na posible ito.”
Paghahanda para sa Toyota GR GT Cup Asia 2022: Bagong plataporma, bagong mga kotse, bagong tracks
May dalang hamon ang bagong plataporma sa Toyota GR GT Cup Asia 2022. Ngayong taon, lahat ng racers ay maglalaban-laban sa Gran Turismo 7 sa halip na Gran Turismo Sport na ginamit sa mga nakaraang taon. Gayunpaman, hindi nababahala si Iqbal at sinabing, “Oo, physics-wise, may ilang hadlang na kailangang malampasan pero kayang gawin sa pamamagitan ng praktis, praktis at marami pang praktis. Mas maraming laps na ginagawa, mas gagaling ka.”
Mabuti na lamang para kay Iqbal, na isa ring full-time student, swak ang timing ng torneo at nakakapaglaan siya ng oras na makapag-ensayo. “Maganda dahil naka-bakasyon ako ngayon kaya pwede akong magsanay nang dalawa hanggang apat na oras araw-araw, depende sa kung gaano ako nasiyahan sa training. Pinapraktis ko ang mga combo para maging pamilyar sa kahit anong sitwasyon na maaaring harapin ko.”
Ngayong taon, inaasahan ni Iqbal na matindi ang magiging laban sa unahan. “Noon, mayroong mga malinaw na liyamado pero ngayon lahat ay pinalakas ang kanilang laro.” Binanggit niya ang dalawa sa pinakamalakas na pambato ng Thailand na sina Nathayos Sirigaya, ang kampeon sa nakaraang taon, at Thanaphat Phungpat bilang mga karibal na tututukan niya, “Nagkalaban na kami nang ilang beses at ang tulin nila ay ‘di dapat balewalain.”
Tulad ng torneo sa nakalipas na taon, ang mga kasali ay magmamaneho ulit ng iba’t-ibang uri ng Toyota GR cars. Kailangang patunayan ng mga racer ang kanilang kakayahang umangkop sa mga modelo na nagbabago mula sa GR Supra hanggang sa bagong GR010 Hybrid, na maaaring malayo pagdating sa approach at teknik. Sa kabila nito, handa si Iqbal sa hamon at ibinahagi na “ang GR010 ay nagbibigay ng ibang DNA sa GR lineup. Kinakailangan nito ng pinakamalalim na konsenstrasyon at dedikasyon, at kapag umayon ang lahat para sa isang perpektong lap, ang ligaya ng pagmamaneho ay dumadating na parang isang biglaang alon.”
Para kay Iqbal, ang tsansa na maka-karera nang personal laban sa pinakamagagaling sa GR GT Cup Global Final 2022 ay talagang kapana-panabik. “Bawat hakbang ng pagkwalipika ay talagang mahirap. Siyempre matutuwa ako kung makakapagpakita ako ng magandang performance sa Monaco.”
Panoorin ang pagsabak ni Iqbal kontra sa pinakamahuhusay na GAZOO racers ng Asya sa Toyota GR GT Cup Asia 2022 sa ika-29 ng Oktubre, 2022. I-click ang link na ito para malaman ang iba pang mga detalye patungkol sa naturang torneo.