Malaking hakbang para sa lokal na Mobile Legends: Bang Bang scene ang ianunsyong partnership sa pagitan ng Nexplay Esports at EVOS Esports noong ika-19 ng Hunyo.
Minarkahan nito ang pagbabalik ng isa sa pinakamalaking esports organization sa Pilipinas matapos ang pag-alis nito noong 2019.
Kaya naman para sa ‘Big Three’ ng Nexplay Esports, na sina Tristan “Yawi” Cabrera, John Paul “H2wo” Salonga, at Renejay “RENEJAY” Barcarse, ‘dream come true’ ang mapabilang sa Nexplay EVOS.
Ang ‘new and improved’ big three ng Nexplay EVOS
Sa panayam kasama ang ONE Esports, ipinahayag nina RENEJAY, Yawi, at H2wo ang kanilang excitement na maglaro sa ilalim ng Nexplay EVOS.
“Mas na-motivate ako, mas gusto ko galingan [para kunin ‘yung championship],” sagot ni RENEJAY nang tanungin ng ONE Esports tungkol sa pakiramdam niya sa bagong partnership.
Nagulat pa ang mga manlalaro nang ibunyag ni Setsuna “Akosi Dogie” Ignacio ang balita sa koponan, ilang araw bago isapubliko ang balita.
“Hindi rin talaga namin in-expect, 8th place [kami sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 7], ta’s kinuha kami,” paliwanag ni H2wo.
Isa sa mga inaabangan ng mga manlalaro ay ang matuto sa international coaching staff ng EVOS, katulad nina Bjorn “Zeys” Ong, na tinulungan ang EVOS Legends na magtagumpay sa MPL-Indonesia Season 7.
“Nagkaroon kami ng meeting kasama sila [Zeys], mas magiging hands-on sila [sa Nexplay EVOS] at bibigyan niya kami ng resources kung pwede,” sabi ni Yawi.
Ang pananaw ni Coach Zico tungkol sa pag-coach kina Yawi, H2wo, at RENEJAY
Parehong excitement ang nararamdaman ni John Michael “Zico” Dizon, na nag magsisilbing coach ng ‘Big Three’ sa ilalim ng Nexplay EVOS.
“Malaking pressure para sa’min yung maglaro under Nexplay EVOS,” banggit ni Zico sa ONE Esports.
Para naman sa mga players, nabanggit ni Zico na pare-parehong nangangarap sina RENEJAY, Yawi, at H2wo na manalo ng championship. Ngayon, dahil sa partnership, mas naeengganyo na silang tuparin ang kanilang minimithi.
“Magulo man sila ‘pag hindi naglalaro, pero committed talaga ‘tong tatlong ‘to lalo na sa mga scrims at tournaments,” sabi ni Zico. “Nandoon ‘yung passion, lalo na kay RENEJAY. Mas focused na siya sa goal niyang manalo ng championship para sa team.”