Ilang araw matapos nilang tapusin ang WePlay AniMajor sa ikatlong puwesto, nag-uwi naman ang T1 ng kampeonato mula sa ESL One Summer 2021, isang non-Dota Pro Circuit tournament na kinatatampukan ng mga tanyag na koponan mula Europe.
Pero bago pa man tuluyang magwagi ang pambato ng Southeast Asia sa naturang online tournament, nauna nang napabilib ni Karl Matthew “Karl” Baldovino si Kyle Freedman.
Habang nakikipagbakbakan kasi sila kontra top seed ng 2021 DPC Western Europe Upper Division na Alliance sa lower bracket finals ng playoffs, hindi mapigilan ng American analyst/commentator na i-shoutout ang Filipino midlaner dahil sa taglay nitong galing.
“I gotta say, shoutout to Karl, I feel like he’s just been a rock for this stack… I think Karl in the mid role in general is so tough to find someone who can be above all else consistent and Karl has been able to do so in a variety of different styles as well,” ani niya.
Napuna rin ni Kyle ang galing ni Karl na gumamit ng Doom. Kahit pa raw kasi may ibang midlaner, gaya ni Bogdan “Iceberg” Vasilenko ng Natus Vincere, na gumagamit din ng naturang hero, lamang pa rin ang Pinoy sa ibang aspeto katulad ng mas malawak niyang hero pool.
“Like the mid Doom, this is a specialty hero, and when I think of other players, like say Iceberg is an example, who played it in Eastern Europe, he had like three or four heroes, he’s very good on those, I think Karl’s list is closer to 20,” dagdag nito.
T1: ang pride ng Southeast Asia
T1 lang ang tanging koponan na kumakatawan sa Southeast Asia na naka-directly qualify sa The International 10 mula sa Dota Pro Circuit. Dahil sa gilas na kanilang ipinakita sa mga huling palaro, inaasahan na malayo ang mararating ng koponan sa paparating na Dota 2 world championship.
Pero hindi ganito kalakas ang T1 buong season. Bukod kay Karl na nagsilbing ‘rock’ ng koponan, may tatlo pang dahilan sa likod ng tagumpay na tinatamasa ngayon ng pinakamalakas na pambato ng rehiyon.
Ang talentong bumabalot sa T1
Hindi na bago sa Southeast Asia ang mga mechanically skilled na manlalaro pero kulang ng exposure sa mga international tournament.
Binubuo nina Nuengnara “23savage” Teeramahanon, Karl “Karl” Baldovino, Carlo “Kuku” Palad, Kenny “Xepher” Deo, at Matthew “Whitemon” Filemon, hindi maipagkakaila na talentado ang roster ng T1.
Iba rin ang ambag ng kanilang kapitan, at ‘master’, na si Kuku. Ramdam ang pagkawala ng Pinoy matapos malaglag agad ang koponan noong ONE Esports Singapore Major, ngunit taliwas ang naging resulta nang kumpletong maglaro ang T1 noong WePlay AniMajor.
Malaki rin ang naging naging improvement pagdating sa drafting ng koponan nang pumasok ang kanilang head coach na si Park “March” Tae-won.
Patunay sa hindi matatawaran na insight ng naturang coach ang kampeonatong nakuha ng TNC Predator sa MDL Chengdu Major at ESL One Hamburg 2019 noong siya pa ang namumuno.
Ang ‘never give up’ mentality ng T1
Tanda man ng maturity o sadyang trip lang nila na magpabugbog sa simula bago bumawi, isa pa rin ang T1 sa pinakamagaling na team pagdating sa pag-comeback.
Magandang halimbawa ang huling mapa nila kontra Quincy Crew sa ikalawang round ng upper bracket ng WePlay AniMajor. Lumagpas sa walong libo ang naging tambak ng T1 kontra kinatawan ng North America ngunit nagawa nilang baliktarin ito matapos mangibabaw sa dalawang magkasunod na team fight.
Magandang halimbawa rin ang panalo nila sa ikalawang mapa kontra Evil Geniuses sa lower bracket final ng parehong turneo. Masusing nilaro ng T1 ang laban at hindi sila nagpakita ng bahid ng overextension o pagka-agresibo gaya ng pangkaraniwang pintas sa mga Southeast Asian teams.
Bagamat bigo silang ipanalo ang serye, naging patunay ang 64 minuto na laban sa mas matibay na mentalidad ng koponan.
Ang pag-step-up ni 23savage
Naglalaro na sa ilalim ng Geek Fam sina Karl, Kuku, Xepher, at Whitemon simula pa noong nakaraang taong DPC Season. Nakasali lang si 23savage sa koponan matapos palitan si Souliya “JaCkky” Khoomphetsavong pagka-qualify ng T1 sa ONE Esports Singapore Major.
Sa kabila ng mga kritisismong kanilang natanggap dahil sa pagpapalit ng player pati na rin ang bunga nitong 15th place finish, hindi basta nagpatinag ang koponan at mas lalo pa nila pinagbuti ang kanilang galawan.
Napatunayan ni 23savage na isa siya sa pinakamagagaling na carry sa rehiyon nang tapusin nila ang ikalawang season ng DPC sa unang puwesto at huling Major ng taon sa ikatlong puwesto.
Si 23savage din ang nagtala ikalawang pinakamataas na average GPM noong ESL One Summer 2021, na umabot sa 676, at ikapat sa pinakatamaas na average KDA na 7.21.
Isa sa mga magagandang katangian ng T1 ang kakayahan nilang patuloy na lumago at mag-improve.
Matagal nang tinitignan ang Southeast Asia bilang underdogs pero nagawang baguhin ng kanilang mga kampanya sa mga nagdaang turneo ang pananaw na ito.
Sasabak sa kauna-unahang pagkakataon ang T1 sa The International 10 sa paparating na Oktubre. Lilipad sila papunta sa Bucharest, Romania kung saan lalabanan nila ang 17 pang koponan para sa Aegis of Champions at pinakamalaking bahagi ng US$40 million prize pool.