Team Secret ang ikawalong koponan na naka-qualify sa Valorant Champions 2021, ang huling turneo ng Valorant Champions Tour ngayong taon, kung saan maglalaban-laban ang 16 sa pinakamalalakas na koponan sa buong mundo.

https://twitter.com/ValorantEsports/status/1438175424454881282

Kakatawanin ng mga Pinoy ang rehiyon ng Southeast Asia, kasama ang X10 Esports mula Thailand, sa prestihiyosong palaro. Ilan sa mga koponang naka-qualify din sa ngayon ay ang Sentinels, Vision Strikers, Team Vikings, Keyd Stars, KRÜ Esports, at Crazy Raccoon.

Team Secret Roster sa Valorant Champions 2021

Credit: Riot Games
  • Jessie “JessieVash” Cristy Cuyco
  • Jayvee “DubsteP” Paguirigan
  • Jim “BORKUM” Timbreza
  • Kevin “Dispenser” Te
  • Riley “witz” Go

Paano naka-qualify ang Team Secret sa Valorant Champions 2021

Bagamat bigong makalipad patungong Germany ang pambato ng Pilipinas para makakuha ng mas mataas na VCT points, nakapasok pa rin sa Valorant Champions 2021 ang Team Secret.

Paper Rex showing some love to Team Secret
Credit: Paper Rex

Ito ay matapos tuldukan ng SuperMassive Blaze ang kampanya ng Paper Rex sa VCT Stage 3 Masters Berlin para mag-settle sa 13th-15th place at mag-uwi ng 175 VCT points.

Ayon sa standings sa rehiyon, parehong nakalikom ang Paper Rex at Team Secret ng tig-225 points sa kabuuan ng VCT 2021. Pero dahil tinalo ng mga dating manlalaro ng Bren Esports ang naturang koponan para hiranging kampeon ng VCT SEA Stage 3 Challengers Playoffs, sila ang nag-qualify para sa Valorant Champions 2021.

Hindi rin naapektuhan ng paglipat mula Bren Esports papuntang Team Secret ang naipong VCT points ng mga manlalaro. Ayon kasi sa Project Manager ng Riot Games na si Alex “Opal” Archambault, mananatili ang points basta at least tatlong players mula sa dating koponan ang lilipat sa parehong organisasyon.

Sa kabila nito, may pag-asa pa rin ang Paper Rex na maka-qualify sa huling Riot Games-sanctioned Valorant tournament ng taon. Dadaan nga lang sila sa Last Chance Qualifier para sa mga koponan ng Asia Pacific kasama ang FULL SENSE, BOOM Esports, REJECT, Global Esports, F4Q at apat pang koponan.

Credit: Riot Games

Nakatakdang ganapin ang Valorant Champions 2021 sa Berlin, Germany simula ikalawa hanggang ika-12 ng Disyembre.