Opisyal nang gumulong ang offseason para sa mga koponang hindi nakapasok sa The International 2022 sa Singapore. Pangunahin sa mga ito ang T1 Dota 2 team na ulo ng mga balita pagkatapos lumisan ng mayorya sa mga bumandera para sa kanilang TI push ngayong DPC season.
Naglihis na ng landas ang T1 at ang head coach ng team na si Park “March” Tae-won, habang ang Filipino team captain na si Carlo “Kuku” Palad at Indonesian support player na si Kenny “Xepher” Deo ay nagdeklara na ng kagustuhan na siyasatin ang merkado.
“My mutual contract with T1 has ended, although, I’m still open to discussing my contract renewal with the organization,” sabi ni Kuku sa Facebook. “I want to explore other opportunities.”
“LFT next season,” sabi naman ni Xepher sa isang tweet. “Willing to relocate.”
T1 Dota 2 pinagulong ang roster shuffle matapos mabigong maka-qualify sa TI11
Si March ang una sa mga miyembro na kinuha ng organisasyon matapos ang matagumpay niyang kampanya kasa ang TNC Predator. Sentro ang South Korean player-turned-coach sa rebuild na ginawa ng T1 Dota 2 team pagkaraan ng The International 2019. Sa proseso, nagawa ng org na makuha ang sebisyo ng SEA talents katulad na lamang nina Kuku at Xepher sa pagbubukas ng 2021 season.
Sa pangunguna ng Filipino kapitan, naging matagumpay ang kanilang kampanya sa DPC 2021 season kung saan nakuha nila ang third place finish sa WePlay Animajor, bago kaliwitin ang kampeonato ng ESL One Summer 2021.
Gayunpaman, delubyo ang inabot ng T1 Dota 2 team sa kasunod na taon. Bagamat nagawang maka-qualify sa ESL One Stockhom Major, bigo ang koponan na makapag-perform sa LAN tournament. Pagkaraang magapi sa upper bracket quarterfinals kontra Gamin Gladiators, 2-0, hindi na nagawang makabalik sa porma ang team dahil 2-1 pagkatalo naman ang natanggap nila kontra Fnatic sa lower bracket serye.
Nagpatuloy ang pahamak sa panig ng T1 Dota 2 matapos mapurnada ang kanilang tangka na makalahok sa PGL Arlington Major. Hindi rin nakakuha ng sapat na DPC points ang team kung kaya’t kinailangan nilang sumugal sa TI11 Regional Qualifier kung nais nilang makahalahok sa pinakamalaking Dota 2 event ng taon.
Para mapagtibay ang kanilang tiyansa, kinuha ng koponan ang serbisyo ng TI8 at TI9 winners na sina Anathan “ana” Pham at Topias “Topson” Taavitsainen. Kahit pa star-studded na ang roster ay dalawang ulit silang bigo na makalahok sa prestihiyosong torneo.
Nagtapos ang T1 Dota 2 team sa third place sa TI11 SEA regional qualifier kung kaya’t nagkaroon sila ng tiyansa makapasok sa Last Chance qualifier sa Singapore. Sa kasamaang palad, hindi nagawa ng koponan na makakuha ng momentum muli matapos magapi ng Vici gaming, 2-1, sa lower bracket semifinal.
Ilang linggo matapos ang dismayadong run, nagdesisyon ang org kung saan sina ana, Topson at Matthew “Whitemon” Filemon na lamang ang natitirang miyembro.
T1 Dota 2 roster
- Anathan “ana” Pham
- Topias “Topson” Taavitsainen
- Matthew “Whitemon” Filemon
Para sa mga balita tungkol sa Dota2, sundan lamang ang Facebook page ng ONE Esports Philippines.
BASAHIN: Si MATUMBAMAN daw ang best player sa TI11 sabi ni iNSaNiA