Malaki ang tiwala ni carry Marc Polo “Raven” Fausto sa kakayahan ng Blacklist Rivalry na makipagsabayan sa darating na Dota Pro Circuit (DPC) 2023 Southeast Asia Division 1.

Galing sa iba’t-ibang koponan, nakakalap ang mga miyembro ng tinaguriang “PH redeem team” ng sandamakmak na kaalaman at karanasan sa pinakamataas na lebel ng professional Dota 2. Ilan sa kanila ay makailang-ulit nang nakalaro sa The International (TI) at umukit ng mga ‘di malilimutang panalo.

Kaya naman ganun na lang ang kumpyansa ni Raven sa binuong Pinoy Dota all-star squad. Ayon pa sa 11K MMR carry, susubukan nilang gumawa ng panibagong meta na susundan ng iba.


Sinabi ni Raven na tatangkain ng Blacklist Rivalry na magpasimula ng bagong meta

Raven ng Blacklist Rivalry
Credit: Blacklist International

Naging kakampi na noon ni Raven ang mga miyembro ng Blacklist Rivalry. Kasama niya sina Carlo “Kuku” Palad at Nico “eyyou” Barcelon sa TNC Pro Team na pinauwi ang noo’y 3-time Major champion na OG sa TI6.

Nakasama niya rin si Timothy “TIMS” Randrup sa TNC Predator na nagwagi sa World Electronic Sports Games (WESG) 2016 at nilista ang 4th place finish sa Dota 2 Asia Championships 2018. Samantala, kakampi niya naman si Karl “Karl” Baldovino maging si Kuku sa Geek Fam na pinagharian ang ilang online tournaments sa kasagsagan ng pandemic.

At ngayong nagkasama-sama na ulit sila galing sa iba’t-ibang koponan sa Southeast Asia, nakatitiyak ang dating position-1 player ng Fnatic na mas malakas na sila ngayon.

Credit: ONE Esports

“Siguro ‘yung ibang dynamic ngayon is ‘yung knowledge namin sa Dota. Kasi last time, talagang parang sobrang engot namin kasi parang ‘yung skills lang talaga namin ginagamit ‘pag naglalaro. Wala talagang utak promise last time,” sagot ni Raven sa tanong ni Tier One Entertainment co-founder at CEO Tryke Gutierrez sa Blacklist Rivalry media launch kamakailan.

“Siyempre nanggaling kami sa iba’t-ibang team, iba-ibang knowledge, doon ‘yung magbabago.”

Gamit ang kanilang mas malawak na kaalaman, sinabi ni Raven na tatangkain nilang magpasimula ng bagong meta na pamamarisan ng iba. Nabanggit niya ito nang tanungin patungkol sa malamyang kampanya ng SEA teams sa TI11.

“Sa TI11 kasi ang nangyari sumusunod lang kami sa meta, so parang nale-late kami. So ang maganda siguro naming gawin ngayon sa Blacklist, kami ‘yung magke-create,” wika niya.

“We will try that na mag-create ng meta para kami naman ‘yung ginagaya, hindi kami yung nanggagaya.”

Credit: Tier One Entertainment

Sa ngayon, nag-eensayo ang Blacklist Rivalry para makuha ang kanilang chemistry bago magsimula ang DPC 2023 season. Interesanteng matunghayan ang kampanya nila sa paparating na season at maging si Tryke ay nasasabik na ring makita kung paano sila makikipaglaban sa DPC SEA Division 1.

“A lot of people are waiting for this team to compete. And ako rin, I’m super excited kung ano ‘yung kaya nilang mabuo because I truly believe in the Filipino talent when it comes to Dota 2,” ani ni Tryke.

“We’ve seen it in years. We’ve always been top 3 in terms of number of players na nasa The International. But we’ve never seen a whole stack of Filipino team like this.”


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.