Handa nang sumabak ang SIBOL Dota 2 para sa pangarap na gintong medalya sa International Esports Federation World Esports Championship 2022 (IESF WEC 2022).
Haharapin ng PH national Dota 2 team ang host country na Indonesia sa best-of-5 gold medal match sa ika-10 ng Disyembre, alas diyes ng umaga. Tangan-tangan na ng mga Pinoy ang 1-0 kalamangan sa grand finals dahil sa kanilang pag-ariba sa upper bracket playoffs.
Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports, ibinahagi ng ilang miyembro ng SIBOL Dota 2 squad ang kanilang mga inspirasyon sa pagnanais na mabingwit ang kampeonato sa torneo.
Ang pag-aalayan ng SIBOL Dota 2 sakaling masungkit ang gold medal sa IESF 2022
Unang pumasok sa isip ni star carry Eljohn “Akashi” Andales ang lupang sinilangan. “Kasi ano ‘yun eh, nirerepresenta mo ‘yung Pilipinas eh, sa pangalan mo dala mo ‘yung bansa.”
Binanggit din ng 19-year-old player na tubong Butuan ang kanyang mga magulang bilang inspirasyon niya.
Iaalay din ni SIBOL Dota 2 coach Mark Angelo “Kassiel” Magallanes sa bansa ang pinakamataas na parangal sa torneo kung sakaling makuha nila ito. Ani niya, ‘di niya inasahan na aabot siya sa punto kung saan binabandera niya ang watawat ng Pilipinas.
“Sobrang nakakagulat kasi ‘di ko in-expect. From nothing at least ngayon meron ka nang dinadala. Nakaka-overwhelm at the same time challenging kasi kailangan matindi ka eh, ‘di lang sarili mo ang dala mo,” saad ni Coach Kassiel, na motibasyon din ang kanyang asawa at pamilya.
Para naman kay offlaner Joel “JWL” Pagkatotohan, humuhugot siya ng inspirasyon mula sa mga taong malapit sa kanyang puso. “Sa mga mahal ko sa buhay… sa family ko at jowa ko kasi sila ‘yung nandyan na sumu-support simula nung nag-Dota ako.”
Kuwento pa niya: “Nung una ‘di talaga (sila supportive). Pinilit ko lang sila tapos ayun pinayagan naman ako. Tapos ito naging maganda ‘yung run ng pagiging Dota player ko. Sinugal ko eh.”
Saad naman ni Philippine Esports Organization (PESO) executive director Marlon Marcelo, ang mga parangal na makakamit ng SIBOL sa IESF WEC 2022 ay para sa lahat ng Pinoy esports fans at athletes.
Garantisado na ang pilak na medalya kasama pa ang US$30,000 o PHP1.6 milyon na premyo para SIBOL Dota 2 matapos nilang pataubin ang Laos sa pamamagitan ng 2-1 reverse sweep sa upper bracket finals noong Huwebes.
Para sa iba pang balita patungkol sa SIBOL national esports team, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.