Gaya ng inasahan ng karamihan, naghari ang Talon Esports sa The International 11 (TI11) Southeast Asia Regional Qualifier. Pero kinailangan muna nilang padapain ang solidong all-Pinoy squad na Polaris Esports sa dikdikang grand finals para masiguro ang kanilang pwesto sa pinakamalaking torneo ng Dota 2 ngayong taon.
Sumandal ang Talon Esports kila midlaner Rafli Fathur “Mikoto” Rahman at carry Nuengnara “23savage” Teeramahanon sa pagbura ng 1-2 series deficit at tuluyang pagselyo ng tagumpay sa do-or-die Game 5.
Kinumpleto ng koponang kinabibilangan din nila veteran offlaner Damien “kpii” Chok at support duo Brizio Adi “Hyde” Putra Budiana at Worawit “Q” Mekchai ang kanilang dream run mula sa Southeast Asia Division 2 patungo sa TI11. Sasamahan nila ang BOOM Esports at Fnatic bilang mga kinatawan ng SEA sa world championship na gaganapin sa Singapore.
Bagamat kinapos, minarka naman ng Polaris na nakabase sa Cebu ang isang malaking 2-1 upset kontra T1 na pinagbibidahan nila two-time TI champions Anathan “Ana” Pham at Topias “Topson” Taavitsainen sa lower bracket finals.
May pag-asa pa rin ang Polaris at T1 na makapasok sa TI group stage sa pamamagitan ng Last Chance Qualifier na isasagawa rin sa Singapore.
Mikoto at 23savage pinangunahan ang Talon Esports sa huling dalawang laro kontra Polaris Esports
Dehado sa serye, nautakan ng Talon Esports ang Polaris Esports sa Game 4 draft nang sumungkit sila ng last pick Invoker para kay Mikoto at binigay kay Q ang position-4 Queen of Pain. Kahit napahirapan ng Undying-Keeper of the Light duo nila Nikko “Force” Bilocura at Marvin “Xavius” Rushton sa top lane ang Slark ni 23savage, nabaligtad nila ang sitwasyon nang dumalaw na si Mikoto.
Makailang-ulit pang napitas si Force kaya naman nag-snowball si 23savage kasabay na rin ang paglakas ng iba pang miyembro ng Talon. Tinuldukan nila ang laro sa 38 minuto nang mahuli ng naka-Aghanim’s Scepter na Disruptor ni Hyde ang walang buyback na si John Anthony “Natsumi-” Vargas (Luna).
Pagdating ng deciding Game 5, parehong nag-draft ng team fight-heavy lineup ang dalawang koponan tampok ang carry Pudge para kay Natsumi- at last pick na carry Doom naman para kay 23savage. Bahagyang lumamang ang Polaris Esports dahil sa isang misplay ni 23savage sa 23-minute clash kung saan na-Doom niya ang zombie mula sa Tombstone.
Pero bumawi naman si 23savage sa sumunod na importanteng team fight sa loob ng kanilang Dire jungle. Matapos pitasin si Xavius (KotL) sa mid, na-target na ni 23savage si Natsumi- at pinangunahan ang 3-for-1 trade na nagbigay-daan para makuha ng Talon Esports ang Roshan kill.
Mula dito ay napasakamay na ng Talon ang momentum at nakapag-farm si 23savage ng kanyang Aghanim’s Scepter at Refresher Orb kaya madali nilang nadomina ang mga bakbakan. ‘Di rin matawaran ang matinding pangugulit ng Pangolier ni Mikoto habang ang Visage naman ni kpii ang trumabaho sa pagbasag ng mga tore.
Sa kabila ng napakalaking kalamangan, disiplinado pa rin atake ng Talon Esports at pinagpatuloy lang ang pagkuha ng kanilang core items. Siniguro rin nila ang mga sumunod na Aegis of Immortal bago tuluyang tuldukan ang laban at iselyo ang TI11 slot matapos ang 49 minuto.
Nabigo man, maganda pa rin ang pinakitang laban ng Polaris Esports. Bitbit ang momentum mula sa kanilang panalo kontra T1, nilista nila ang first blood sa serye sa likod ng Lina ni Mc Nicholson “Lelouch-” Villanueva at carry Pudge ni Natsumi-. Nakabawi rin naman agad ang Talon sa pangunguna nila 23savage sa Slark at Mikoto sa Pangolier.
Kahit pa nakuha ni 23savage ang Terrorblade sa Game 3, nabigla naman sila ng carry Doom pick para kay Natsumi- habang ang Lina ni Lelouch- ang nagsilbing pangunahing source ng damage. Unti-unting binuo ng Polaris ang kanilang kalamangan matapos manaig sa mga unang team fight. Sa mahalagang Roshan fight sa 29 minuto, tinunaw ni Lelouch- si 23savage na hindi na-cast ang Sunder at nasama rin sa hukay ang tatlo pang miyembro ng Talon Esports.
Hawak ang Aegis of Immortal, nakaipon si Natsumi- para mabili ang Aghanim’s Scepter na pinawalang-bisa ang Black King Bar ni 23savage. Ilang panalo pa sa mga sumundo clash at nabili na rin niya ang Refresher Orb na ginamit niya sa panapos na team fight. Malaki rin impact ng False Promise saves mula sa Oracle ng beteranong hard support na si Nico “eyyou” Barcelon.
Sa Last Chance Qualifier, haharapin ng Polaris kasama ang T1 ang iba pang 2nd at 3rd placers mula sa limang rehiyon. Sa 12 koponan dito, tanging ang top 2 lang ang makakausad sa group stage.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa Dota 2.