Usap-usapan ngayon ang ‘OhMyVeno’ matapos ianunsyo ng Blacklist International ang kanilang Dota 2 team, kung saan kabilang si Carlo “Kuku” Palad.
Ang ‘OhMyVeno’ ay hango sa in-game name ni Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna, ang dekoradong kapitan ng Mobile Legends: Bang Bang team ng Blacklist International, at ang Dota 2 hero na si Venomancer, na madalas gamitin ng dating koponan ni Kuku na T1.
Sa kasamaang palad, hindi parating maganda ang resulta ‘pag ginagamit ng Southeast Asian Dota 2 team noon ang naturang hero. Halimbawa na lang noong Last Chance Qualifier para sa The International 2022 kung saan bigong mapagana ng T1 ang Venomancer pick nila sa do-or-die game kontra Vici Gaming.
OhMyVeno: Kuku, pinaliwanag ang Venomancer picks ng T1 noong TI11 LCQ
Sa isang livestream, binigyang linaw ni Kuku ang dahilan sa likod ng madalas na pagpili nila sa naturang agility hero.
“Pero ako ang drafter noong LCQ which is ayun nga, puro Veno,” aniya. “‘Yung Veno is parang meme siya pero medyo nerd-type kasi si [Kenny “Xepher” Deo], gusto niya talaga… ako medyo nato-trauma na ako eh.”
Siyam na beses gumamit si Xepher ng Venomancer noong LCQ at nakapagtala siya siya ng 55.56% win rate. Samantala, sa buong kampanya naman ni Kuku sa ilalim ng T1, limang beses niya ginamit ang hero pero bigo siyang manalo kahit isang laro.
Nilinaw naman ni Kuku na taliwas ang resulta sa official matches kesa sa scrim, dahil dito, nagbubunga naman ng magandang resulta ang paggamit nila sa Venomancer sa mga scrim.
“‘Yung mga hero namin, like mga Veno, gumagana siya sa scrim, like 100% win rate talaga siya,” giit ni Kuku. “Pero most likely na panalo namin is sa China teams. Then sa Europe, zero win rate talaga kami.”
Sa playoffs ng naturang paligsahan papunta sa TI11, naipanalo ng T1 ang ikatlong mapa kontra NAVI, isang Eastern European team, nang may Venomancer. Sinubukan nila itong ulitin kontra pambato ng Western Europe na Team Secret, pero bigo silang mapuntusan ito.
Sa nabanggit na serye kontra kinatawan ng China na Vici Gaming, naka-isa ang koponan nina Kuku sa serye gamit ang hero, pero ‘di sila nagtagumpay sa ikatlong mapa ng best-of-three, dahilan para matapos ang kanilang kampanya sa TI11 LCQ.
Samantala, inaabangan pa ang unang turneo kung saan bibida ang Dota 2 team ng Blacklist International.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Faith_bian sinabing muntik nang mag-disband ang Wings Gaming bago sila magkampeon sa TI6